Pinabulaanan ni Sen. Risa Hontiveros ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kaniya kaugnay sa sinasabing anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa kaniyang Facebook post, Miyerkules, Setyembre 10, mariing itinanggi ni Hontiveros ang mga batikos ng mga netizen sa kaniya patungkol sa nabanggit na social health service provider ng pamahalaan.
Isa sa mga itinaguri sa kaniya ay "PhilHealth Queen."
"HUWAG MANIWALA SA FAKE NEWS!!" saad ng senadora.
"Wala po akong kinalaman sa anumang anomalya sa PhilHealth."
"Maging mapanuri po sa mga nakikita ninyo online na nagpapakalat ng KASINUNGALINGAN," aniya pa.
Sa pubmat na kalakip ng post, mababasa naman ang "FACT CHECK! SEN. RISA HONTIVEROS NOT INVOLVED IN PHILHEALTH ANOMALIES."
Samantala, bilang pahabol, nagpasalamat naman si Hontiveros sa mga patuloy raw na nagsasagawa ng fact checking.
"Thanks so much po sa mga mabubuting loob na kusang nag-fafact check! Mabuhay kayo!" aniya.
Matatandaang ilang beses nang pinabulaanan ni Hontiveros ang involvement sa alinmang anomalya sa loob ng nabanggit na health insurance provider. Naging board member ang senadora ng PhilHealth mula Nobyembre 2014 hanggang Oktubre 2015, sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Noong Hulyo 18, muling nilinaw ng senadora na wala siyang kinalaman sa kontrobersyal na ₱83 milyong bonus na ibinigay sa mga opisyal ng PhilHealth noong 2014, dahil 2010 pa ito naaprubahan.
“Walang katotohanan ang paulit-ulit na #PhilHealth fake news na kumakalat kung saan-saan. Maging mapanuri po sa mga nababasa o nakikita online!” saad ni Hontiveros sa kaniyang Facebook post, matapos ire-share ang isang video noon pang 2020, na aniya ay isang fake news.
Noong 2019, batay sa press release ng Senado, nanawagan si Hontiveros ng isang agaran at komprehensibong imbestigasyon hinggil sa umano'y paggamit naman at pagpapalabas ng pondo ng PhilHealth, matapos lumabas ang mga ulat na maaaring nagamit ang pondo nito upang umano'y bayaran ang mga dialysis treatment ng mga pasyenteng hindi naman umiiral.
Ginawa ni Hontiveros ang pahayag, na siya ring vice chair ng Senate Committee on Health and Demography nang mga sandaling iyon, matapos ang mga alegasyon ng whistleblower na si Edwin Roberto na nagsabing matagal nang inaaprubahan ng PhilHealth ang mga kahina-hinalang claim at naglalabas ng bayad para sa ghost dialysis, o mga dialysis treatment na hindi naman talaga isinagawa, na napapakinabangan ng mga mapanlinlang na klinika.
"The gravity of the recent allegations should prompt the government to check if every peso under the PhilHealth is indeed being used in a manner compliant with laws and the PhilHealth's mandate. We cannot allow fraud and greed to impede the effective delivery of health services to the people," aniya.