Isinulong ng Akbayan Partylist ang isang resolusyong magpapahintulot na isapubliko ng mga mambabatas ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon sa House Resolution No. 271 na inihain ng nasabing partylist sa House Secretary General, iginiit nitong isapubliko ang SALN nang lahat ng miyembro ng House of Representatives na siyang malinaw daw isinasaad ng Section 1, Article XI ng Konstitusyon.
“Public officers and employees must at all times be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty and efficiency, act with patriotism and justice, and lead modest lives,” saad nito.
Samantala, sa hiwalay na pahayag sa kanilang opisyal na Facebook account nitong Miyerkules, Setyembre 10, 2025 sinabi ng Akbayan na ang dapat ang mga mambabatas daw ang nangungunang magsulong ng “transparency” at “accountability.”
“Dapat manguna ang mga mambabatas sa TRANSPARENCY at ACCOUNTABILITY. Kaya’t inihain ng Akbayan Partylist ang House Resolution No. 271, para isapubliko ang SALN ng lahat ng kongresista.”
Saad pa ng Akbayan, layunin din daw ng naturang resolusyon na baguhin ang limitadong access ng publiko sa SALN ng mga mambabatas.
“Babaguhin nito ang kasalukuyang patakaran na naglimita sa SALN access. The Constitution is clear: public office is a public trust. If we truly want to weed out corruption, lawmakers must first open themselves to scrutiny,” anang Akbayan Partylist.
Matatandaang nahaharap sa mga alegasyon ng korapsyon ang Kamara kaugnay ng isyu ng flood control projects. Ibinabato rin sa kanilang institusyon ang umano’y budget insertion nito sa national budget na napunta lang daw sa palpak at ghost projects sa iba't ibang panig ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Exec. Secretary, pinalagan umano'y paninisi ng Kamara sa isyu ng korapsyon: 'Clean your house first!'
Habang noong Lunes, Setyembre 8, nang gumawa rin ng ingay ang rebelasyon ng mga Discaya matapos nilang pangalanan ang mga politiko umanong sangkot naman sa paghingi ng kickbacks sa pondo ng nasabing maanomalyang proyekto.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya