Magandang balita dahil magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng tapyas sa singil sa kuryente ngayong Setyembre.
Ayon sa Meralco, ang pagbaba ng P0.1852 kada kilowatt hour (kWh) sa overall rate ng kuryente ngayong buwan ay dulot ng paglakas ng halaga ng piso kontra dolyar.
Nakatulong din anila sa rate reduction ang mas mababang generation charge at mas mababang presyo ng Independent Power Producers (IPPs) at Power Supply Agreements (PSAs).
Anang Meralco, dahil sa tapyas-singil, ang overall household electricity rate ay bumaba sa P13.0851/kWh mula sa dating P13.2703/kWh noong Agosto.
Nangangahulugan anila ito nang bawas na P37 sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; P56 naman sa mga nakakagamit ng 300kwh kada buwan; P74 sa mga kumukonsumo ng 400kwh at P93 naman sa mga nakakagamit ng 500kwh kada buwan.
“We hope that along with relatively lower consumption during this period, this rate cut will bring relief to our customers,” ayon kay Meralco vice president at Corporate Communications head Joe Zaldarriaga.