Viral ngayon online ang parody song na ginawa ng aktres na si Mariel Pamintuan kung saan pinasaringan niya ang mga dawit umano sa maanomalyang flood-control projects.
Sa music video na inupload ni Mariel sa kaniyang Facebook ngayong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, makikita sa nasabing video ang tema nitong sumasapol sa korapsyong nangyayari sa “ghost projects” at paglubog sa baha ng mga normal na mamamayang Pilipino.
“Tatahimik nalang ba tayo? Pilipino, mag-ingay!” saad ni Mariel sa caption ng kaniyang post.
Binigyan ni Mariel ng titulong “CROCS’ DEN” ang kaniyang parody song na hango sa umusong kantang “Golden” ng Huntrix sa pelikulang KPop Demon Hunters.
Pahabol pa ng aktres sa komento niya sa sariling post, itigil na raw umano ang “band aid solution” para sa mga mamamayang tunay na nakararanas ng bawat kalamidad sa bansa.
Aniya, pagod na umano ang mga taong “mag-survive” habang patuloy na binabaha ang bansa sa kabila ng maraming proyekto ng mga ahensya ng gobyerno hindi napupunta sa wastong paggasta ng pondo.
“Tama na po sa band aid solution na relief goods, etc. Pagod na po ang mga tao magsurvive. Kailangan po namin maayos na kalsada, hindi binabaha. Ngayon alam na natin ang kaban ng bayan, kayang-kaya maayos ang mga problema ng bansa. Kung sana po ay may natitirang malasakit sa kapwa, solusyunan ang totoong problema,” komento ni Mariel.
Pagpapatuloy pa niya, “[a]ng materyal na bagay naluluma, nasisira. Pero kung ang billion ginagamit po sa tama, legacy, dignidad at pagmamahal ng Pilipino habang buhay yan.”
Hiling umano niya na dumating ang araw na hindi na kailangang lumabas ng mga Pilipino sa bansa kung mayroon nang sariling maipagmamalaki ang Pilipinas.
“Sana balang-araw hindi na natin kailangan dumayo sa ibang bansa dahil busog sa sagana at ganda ang Pilipinas,” pagtatapos ni Mariel.
Samantala, sinang-ayunan naman ng netizens ang ginawa ni Mariel kaugnay sa pag-address sa mga problema ng bansa.
Anila, ang ginawa ni Mariel ang dapat na tunay na ginagawa ng mga “social media influencer.”
Habang nagbahagi rin ng hinaing na nararamdaman ang ibang netizens sa mga katotohanang ipinakita ni Mariel sa kaniyang parody song.
Narito ang ilang komento ng mga tao sa naturang post ni Mariel:
“Havey sa anak ko to favorite yung golden tsaka alden trend.”
“Natatawa pa ko sa intro, but while listening to this song nalungkot talaga ako.. True na true, walang katapusang tanong. San damakmak na ang evidence pero walang kulong. Justice to the Filipino people!!!”
“Kaya sana maging aral na saatin ito . Sa darating na election sa 2028 wag na Tayo papabudol sa mga pangako nila mga mabubulaklak na salita sa mga pekeng ngiti na pinapakita nila[...]”
“Be wise sa 2028, kaso hirap sa mga Pilipino harap harapan ng niloloko nabibili pa rin Ang boto.”
“Yung walang makukulong s a jail! Is agree ako jan hahaha gang hearing lang yan gang manahimik na ang issue.”
“HAHAHA bakit naiiyak ako.”
“Yung lines na "Daming questions tapos ending, No kulong jail" really hits hard!!!”
“Gonna be Alden talagaaaa nagdalaa lol.”
“This is what we call an INFLUENCER Folks!”
“This is not just a parody... But a reality.. Congratulations in advance!!! This will trend for sure.”
“Kahit ilang senate hearing pa yan, paiikotin lang tayo hanggang sa makalimutan ang issue, WALANG HUSTISYA SA PINAS.”
Umabot na ngayon sa 9 milyon ang bilang views ng naturang parody song ni Mariel sa loob lamang ng siyam (9) na oras.
Mc Vincent Mirabuna/Balita