Hindi inaasahang magiging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) ayon sa PAGASA.
Base sa 5:00 p.m. weather forecast ng PAGASA, ngayong Miyerkules, Setyembre 10, namataan ang LPA sa bisinidad ng Polilio Islands sa Quezon Province.
Ayon sa weather bureau, hindi magiging bagyo ang LPA sa susunod na 24 na oras at posibleng malusaw na ito.
Gayunman, asahan pa rin overnight ang pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon—Cagayan Valley, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, at MIMAROPA dahil sa LPA, gayundin sa iba pang bahagi ng bansa bunsod ng easterlies o hangin mula sa Pacific Ocean.
BALITANG PANAHON PARA SA HUWEBES, SETYEMBRE 11
Asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms bunsod ng low pressure area sa Aurora, ilang bahagi ng Cagayan Valley, Isabela, Quirino, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Ang natitirang bahagi ng Northern at Central Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap at minsan maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan sa bandang hapon o gabi.