Nagbigay ng update si “Queen of All Media” Kris Aquino tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang kalusugan habang siya ay lumalaban sa kaniyang karamdaman.
Makikita sa Instagram post ni Kris nitong Miyerkules, Setyembre 10, na kasama niya ang kaniyang dalawang anak na si Josh at Bimby sa St. Lukes Global City, Fort Bonifacio Taguig.
“Headed down. Marami na kaming pinagdaanan. In 5 days, we would have been back a year. I wish you could hear how quiet the hallways are,” ani Kris.
Nagpasalamat din siya sa mga nagdarasal para sa kaniya.
“Thank you for praying, isa pang TEST OF TAPANG,” aniya.
Ito ay konektado sa nauna niyang post noong Martes, Setyembre 9, kung saan sinabi niyang siya ay nakatakdang dumaan sa isang surgical procedure ngayong araw.
“Puwede bang makiusap ulit? alam ko ang kulit ko na but at 9 AM tomorrow i will be brought down for the first of 2 surgical procedures,” aniya.
“Please pray for my surgeons and cardio-interventionists, all the residents and fellows, all the nurses and all the staff in the OR, and the Cardio OR. I thank the Holy Spirit and the birthday Girl Mama Mary for keeping my Survival Instinct Sharp,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan ay kinumpirma ng mamamahayag na si Dindo Balares na buhay pa ang matalik na kaibigang si Kris, matapos kumalat ang mga “death hoax” na nagsasabing pumanaw na umano ito.
MAKI-BALITA: https://balita.mb.com.ph/2025/09/04/kaibigang-journalist-nilinaw-na-buhay-pa-si-kris-aquino-shes-really-alive/
Vincent Gutierrez/BALITA