Ibinahagi ng guro at content creator na si “Unfiltered Life of Karla” o si “Teacher Karla” sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Setyembre 8, ang kaniyang sentimyento ukol sa pagtuturo at reinforcement ng “values” sa mga mag-aaral.
Aniya, nararapat na magtulong ang mga guro at magulang ukol sa values ng mga estudyante.
“My dear parents, tulungan po tayo. Ang values po, kayo ang magtuturo sa bahay, kami pong teachers ang mag-rereinforce sa school,” ani Teacher Karla.
“Mahirap pong i-reinforce ang value kung ang value ay hindi naturo sa bahay,” dagdag pa niya.
Inilahad niya rin na maraming tao ang kailangan upang mapalaki ang isang bata, kung kaya’t hindi lang dapat na iasa ito sa mga guro.
“Tandaan niyo po, it takes a village to raise a child. Kailangan ng isang barangay sa pagpapalaki ng bata. Hindi po pupuwede at hindi kakayanin kung si teacher lang,” anang guro.
“Ang values po sa bahay pa lang naituro na, dito po sa school palalaguin. Mahirap magpalago ng hindi pa nadidiligan sa bahay,” dagdag pa niya.
Umani naman ng hati at samu’t saring reaksiyon ang nasabing post ng guro.
“Tama po. Di nman obligasyon ng mga teachers na lahat sila magtuturo.Ang disiplina dpat sa bahay mag uumpisa”
“Tnx po s pag engaged...ang daling hulihin ng mga kiliti ng pilipino inuuna ang galit kesa s isip heheheh yan tuloy tumaas ang engagement q slmat s inyong lahat hehehhe”
“Sabi nga sa bahay una natututunan ang magandang asal at paguugali. Kapag sa bahay palang wala na, dadalhin ng bata yan sa labas at pakikitungo sa ibang tao.”
“Trabaho nyo po yan kaya dapat kayo ang gumawa eh kung hindi kaya eh mag resign ka na…”
“Pano nman yong mga magulang na wlang pinag aralan, ano ang maittuturo kung wlang Alam ang magulang”
“Dapat ikaw magturo KC siniswelduhan ng gov”
Tanyag si Teacher Karla dahil sa mga content nito ng pagtulong sa kaniyang mga estudyante, pagbibigay sa kanila ng baon at mga gamit, pagiging masaya ng kaniyang mga teaching strategies, at iba pang may kinalaman sa kaniyang pagiging guro.
Vincent Gutierrez/BALITA