December 16, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga numerong puwedeng tawagan kapag feeling ‘mag-isa’ na lang

ALAMIN: Mga numerong puwedeng tawagan kapag feeling ‘mag-isa’ na lang
Photo courtesy: Unsplash

Hindi puwedeng sabihin ng isang tao na mahina ang kapuwa niya dahil lang hindi nito makayanang mabigyan agad ng solusyon ang mga problemang karamihan ay pinili niyang hindi sabihin sa iba. 

Hindi kailanman naging tama ang paninisi sa mga taong nagpapatiwakal dahil higit sa lahat ay biktima lang din sila ng kaguluhan ng kani-kanilang personal na giyerang hindi mo naintindihan. 

Ganito kahalaga na magkaroon ng sensibilidad o kamalayan ang isang tao sa damdamin ng kanilang kapuwa. 

Ayon sa naging pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumabas sa pag-aaral nila na umabot ang bilang ng mga taong namatay sa “intentional self-harm” sa mahigit 4.42 thousand registered deaths noong 2020 kumpara sa 2.81 thousand registered deaths noong 2019. 

Human-Interest

ALAMIN: Online at physical stores ng puto bumbong na 'magpapa-cravings satisfied' sa’yo

“Deaths due to intentional self-harm recorded a 57.3 percent increase from the previous year, making it the 25th leading cause of death in 2020, from rank 31 in 2019. From the 2.81 thousand registered deaths due to intentional self-harm in 2019, it spiked to 4.42 thousand deaths in 2020,” ayon ito sa PSA. 

Samantala, ipinagdiriwang ngayong Miyerkules, Setyembre 10 ang National Suicide Prevention day sa buong bansa. 

Isang mahalagang araw ito upang bigyang-halaga na mapigilan o mabawasan ng marami ang bilang ng mga kapuwa nilang nahahantong sa ganitong nakalulungkot na pangyayari. 

Ngunit paano nga ba malalabanan ang pagkahantong sa pag-iisip na pagpapatiwakal minsan sa punto ng buhay ng isang tao? 

Ang kailangan mo lang ay humanap ng taong handang makinig sa mga mabibigat na bagahe mo sa araw-araw. 

Ang kailangan mo lang ay isang taong mapaglalabasan mo ng mga galit na matagal mo nang kinikimkim. 

Hindi ganoong kadali, ngunit hindi imposibleng walang handang makinig sa iyo sa mahigit walong (8) bilyong bilang ng mga tao dito sa ibabaw ng mundo.

Kaya nga’t nariyang handang makinig ang mga taong nasa likod ng telepono mula sa mga samahang tumutulong sa mga kagaya mong walang mapagsabihan. 

Ayon sa website ng Find a Helpline, naglatag sila ng mga numero at tanggapan na puwedeng puwede mong tawagan anomang oras mo kailanganin. 

Narito ang listahan ng mga numero at landline na puwede mong lapitan:

In Touch: Crisis Line - +63 2 8893 7603 

Ang In Touch: Crisis Line ay nakatuon sa pagbibigay ng 24/7, libre, mahabagin at kumpidensyal na suporta sa pamamagitan ng telepono. 

Layunin nilang tulungan ang lahat sa Pilipinas na maaaring naghahanap ng suporta kung nakararamdam ang isang tao ng pagkabalisa, depresyon, relasyon, at pananakit sa sarili. 

HOPELINE - (02) 8804-4673

Katulad ng In Touch: Crisis Line, ang HOPELINe ay nakatuon din sa pagbibigay ng 24/7, libre, at mula sa pusong pagsuporta sa mga taong nangangailangan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa telepono. 

Tawag Paglaum - Centro Bisaya - 0966 467 9626

Ganoon din ang Tawag Paglaum Centro Bisaya. Anila , naiintindihan nila umano na nilulubog ang isang taong ng labis na kabigatan kaya handa silang hindi ipagdamot ang pakikinig sa mga taong nangangailangan. 

“We understand that life can throw its heaviest burdens on anyone, and our dedicated team is here to lend an empathetic ear. No matter where you are in the Philippines, our helpline is always open, ready to listen and offer immediate support. We offer a compassionate space to talk through your feelings and concerns,” ayon ito sa Tawag Paglaum - Centro Bisayas. 

NCMH Crisis Hotline - 1800-1888-1553

Ayon sa NCHM Crisis Hotline, bukas silang makinig anonabg oras upang pag-usapan ang kahit anong karanasang pinagdaraanan ng isang tao.

“We are available to talk with you about any kind of experience relating to mental health, from a mental health crisis through to general wellbeing. Our support is free. We are dedicated to preventing suicide. If you're contemplating suicide or you're worried about warning signs in someone else, please reach out to us for help,” anang NCHM Crisis Hotline. 

Bantay Bata Helpline 163 

Ang Bantay Bata Helpline 163 ay isang non-profit program mula sa ABS-CBN na tumutulong protektahan ang bawat batang Pilipino. 

“We create programs to help distressed children by responding to reports of abuse through Bantay Bata Helpline 163 and connecting them with appropriate agencies. We provide guidance, counseling, and psychological first aid to help them heal and regain their self-worth. Our free psychological counseling sessions offer an hour of talk therapy to those in need,” ayon naman sa Bantay Bata Helpline 163. 

Ang punto, kung sakali mang dumating ka sa punto na wala ka nang mapagsabihan tungkol sa lahat ng mabibigat mong bagahe sa buhay, huwag mo sanang kalimutang lagi’t laging nariyan ang mga taong handang makinig sa iyo at naghihintay lamang na tawagan mo sila sa likod ng mga numero. 

Hindi ka nag-iisa. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita