Binasag na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang kaniyang katahimikan sa unang pagkakataon, hinggil sa pagkakaalis sa puwesto ni P/Gen. Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Sa ulat ng News5, ayon umano sa pangulo, natanggal si Torre dahil sa hindi niya pagsunod at pagbibigay-halaga sa chain of command.
Tinukoy na hindi umano siya sumunod sa mga kautusang ipinasa ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Ayon sa Pangulo, marami raw silang napagdiskusyunan noon subalit hindi ito nagawa.
"We have many discussions beforehand and hindi nagawa," aniya.
PAG-ALIS SA PUWESTO KAY TORRE
Tinanggal sa puwesto bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si Torre noong Martes, Agosto 26.
Ito ay batay sa memorandum ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, na inisyu noong Lunes, Agosto 25.
Nakasaad sa liham: "You are hereby relieved as Chief, PNP effective immediately."
"For the continuous and efficient delivery of public services in the PNP, you are hereby directed to ensure proper turnover of all matters, documents and information relative to your office."
Matatandaang noong Hunyo 2, nanumpa si Torre bilang 31st Chief ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Hindi naman binanggit ni Bersamin ang dahilan ng pagsibak kay Torre.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief
PALIWANAG NI DILG SEC. JONVIC REMULLA
Sa parehong araw ay nagsagawa naman ng press conference si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla upang kumpirmahin ang pagkakatanggal sa puwesto ni Torre, at linawin ang ilang mga bagay tungkol dito.
Sinabi ni Remulla ang simpleng dahilan ng pagtanggal kay Torre sa katungkulan.
“He did not violate any laws,” sabi ni Remulla. “He has not been charged with any violation. He's not been charged criminally. It is simply a choice of the president to take the redirection for the PNP.”
Gayunman, ayon sa kalihim, kinokonsidera umano si Torre para sa isang bagong posisyon sa pamahalaan.
“The president still believes in his capacity, in his organizational strength, and his vast experience in the service,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, walang nilabag na batas—Remulla
Maluwag namang tinanggap ni Torre ang desisyon ni PBBM.
"Salamat din sa mga naawa sa akin, ngunit hinihiling ko sa inyo, huwag n’yo kong kaawaan,” ani Torre.
Dagdag pa niya, “In spite of my abrupt removal as Chief of National Police, okay po ‘ko.”
KAUGNAY NA BALITA: Mensahe ni Torre sa publiko: 'Wag n'yo kong kaawaan!'
Matapos ang pagtanggal kay Torre, kinumpirma ni Remulla na si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang bagong hepe ng pulisya, na pinanumpa na rin niya nang araw na iyon.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagong PNP Chief