May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Si Nanay Budak, 59-anyos na magsasakang nakapagtapos sa Durian Production Program ng DA-11

KILALANIN: Si Nanay Budak, 59-anyos na magsasakang nakapagtapos sa Durian Production Program ng DA-11
Photo courtesy: Crisanta Goc-ong

450 na magsasaka ang nakapagtapos sa Durian Production Program ng School-on-the-Air (SOA) na inilunsad sa ilalim ng Department of Agriculture - Davao (DA 11) kamakailan.

Ang layon ng nasabing programa ay para turuan ang mga magsasaka sa rehiyon ng Davao sa pagpapalawig ng produksyon, proseso, at marketing ng mga durian habang binibigyang solusyon din ang mga problemang kinakaharap ng karamihan dito tulad ng limitadong access sa teknolohiya, poor farm management, at iba pang isyu na nakaaapekto sa kalidad ng kanilang ani. 

KAUGNAY NA BALITA: 450 magsasaka sa Davao, naka-graduate sa School-on-the-Air ng DA-11

Isa sa mga 450 na mga nakapagtapos ay si Nanay Crisanta “Budak” Goc-ong, na sa edad na 59, ay patuloy pa ring nagpapakita ng determinasyon at puso sa pagsasaka. 

Ito’y para sa kaniyang layon na makapaglatag ng pagkain sa hapag hindi lamang ng kaniyang pamilya kung hindi pati na rin sa hapag ng bawat Pilipino sa bansa.

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Nanay Crisanta “Budak” Goc-ong, na isa sa mga magsasakang nakapagtapos sa Durian Production Program, kaniyang ibinahagi ang mga naging benepisyo ng programa, maging ang ilang pagsubok na kinahaharap sa pagsasaka. 

Si Nanay Budak, kung tawagin sa kanilang baryo, ay isang magsasaka mula sa Malabog, Paquibato, Davao. 

“Nung una, hindi ako interesado, nakikinig lang ako [sa radyo], ‘don nakita ko, narinig ko na marami siyang benepisyo sa mga magsasaka na malayo, ‘yong hindi basta-basta  makapunta nang opisina para magtanong,” pagbabahagi niya. 

“Kaya sumali ako kasama ‘yong mga kapitbahay ko. Mag-sacrifice lang talaga kasi ang School-of-Air ng DA - 11 [ay] hanggang alas-4 ng umaga hanggang alas-5 ng umaga, so ‘yon ang oras na talagang babangon kami, makinig sa radyo, at magsulat, ang walang kuryente, gagamit ng gasera, ang walang gasera, gagamit ng kandila,” aniya pa. 

Idinagdag din ni Nanay Budak na matiyaga niyang isinusulat ang idinidikta ng farmcaster sa radyo dahil dito raw siya at ang mga kapwa magsasaka nakakakuha ng mga kaalaman sa pagsasaka. 

Ikinuwento niya rin bukod sa pagtatanim ng durian, itinuturo rin sa SOA ang tamang pag-aalaga sa mga pananim mula sa paggamit ng tamang pataba sa lupa, paggawa ng fermented juice na maaaring ipainom sa alagang hayop para gawing abono, at mitigation ng tag-init at tag-ulan. 

Ang mga kaalamang ito ay kaniya ring nagagamit sa iba pang pananim tulad ng mais, samu’t saring gulay, niyog, kape, at kakao, na mga pananim rin bago pa pumasok sa Durian Production Program. 

Sa pamamagitan rin ng programang ito, nakapagbigay pa ng 25 na puno ng durian ang DA bilang pandagdag tulong at kita nila.

Ibinahagi rin ni Nanay Budak na mayroon ding Corn and Cassava production ang SOA na umarangkada noong Setyembre 1. 

At para mas mapagyabgong pa ang mga pananim na mais, nagawa rin niyang makinig sa Corn Cluster Program ng SOA.

Nang kumustahin kung ano ang naging benepisyo ng pakikinig sa SOA, ibinahagi niya na mas naging maalam ang mga magsasaka na nakikinig dito sa mga dapat gawin kahit sa mukha ng kalamidad. 

“Dahil nakakapunta rin ako sa ibang lugar [sa rehiyon], may mga magsasaka na hindi nila alam saan nila dapat ipaalam ang mga landslide na nangyari sa kanilang pananim,” saad niya. 

“Pero kaming mga naka-participate doon sa School-on-the air,” kumbaga hitik kami sa information galing sa DA. At tsaka alam namin kung saan kami pupunta, anong gagawin namin bago kami magtanim,” aniya pa. 

Dito ay idinagdag niya na isa pa sa mga natutunan ay abiso rin na bago magtanim, mainap na may insurance ang mga pananim para may matatanggap na tulong pinansyal o ayuda ang magsasaka sa kalamidad. 

Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagkalugi. 

Kasama rin sa binanggit niya ang naging importansya ng RSBA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture) para masigurado ang tulong na matatanggap ng isang magsasaka sa DA. 

Ang RSBA, ayon sa DA, ay isang national registry para sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang manggagawa sa pagsasaka na naglalayong mas mabigyang suporta ang mga ito sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno tulad ng agricultural loans, crops and livestock insurance, probisyon sa mga pataba sa lupa, at iba pang mga teknikal na tulong. 

Sa pagtatapos ng panayam, nagbigay si Nanay Budak ng ilang tips sa epektibong pagtatanim at pag-ani. 

“Para sa aking mga kapwa magsasaka, hindi tayo mag-stayput sa isang pananim lang. Tignan natin kung ano ang aakma sa panahon tsaka kailangan natin mag-adapt sa mondernisasyon sa pagsasaka,” saad niya 

“Tsaka may gobyerno tayo na magbigay sa atin ng ayuda, kung ano ang ating pangangailangan, ‘yon lang i-comply din natin ang requirements na kailangan ng gobyerno.” aniya sa pagsali sa mga inisyatibong panawagan ng gobyerno. 

“Kung obligasyon natin pakainin ang ating pamilya, mas obligasyon natin pakainin ang buong bansa,” aniya pa bilang paghihikayat na pasalihin ang iba pang magsasaka sa ibang parte ng bansa sa pagsali sa SOA.

Sean Antonio/BALITA