Bukod sa pagiging Pangulo ng bansa, kilala rin si Sergio Osmeña Sr. sa katawagang “The Grand Old Man of Cebu.” Tanyag pa rin siya sa modernong panahon sapagkat maging sa pera ay makikita mo ang nakaimprentang mukha nito.
Kasabay ng kaniyang kaarawan ngayong Martes, Setyembre 9, hindi pa rin nalilimutan ang ambag at legasiya ni Osmeña Sr. sa kasaysayan at kalayaan ng bansang Pilipinas.
Personal na Impormasyon ni Sergio Osmeña Sr.
Si Sergio Osmeña Sr. ay ipinanganak noong Setyembre 9, 1878 sa Cebu City, ang tinaguriang “Queen City of the South.” Siya ay ang nagpasimula ng Partido Nacionalista, at siya rin ay dating Pangulo ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Edukasyon at Politika ni Sergio Osmeña Sr.
Si Osmeña Sr. ay nakapagtapos ng kaniyang law degree sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) noong 1903. Siya rin ay isang editor sa “El Nuevo Dia,” isang espanyol na pahayagan sa Cebu, kung saan siya lumaki.
Isang taon matapos niyang makuha ang kanyang degree, siya ay inatasan ng administrasyong kolonyal ng Estados Unidos na maging gobernador ng probinsya ng Cebu at isang fiscal (district attorney) ng nasabing lalawigan at ng Negros Oriental.
Noong 1906, siya ay inihalal bilang gobernador ng buong Cebu, at sa sumunod na taon, sa edad na 29, siya ay ibinotong speaker ng Philippine National Assembly, kahit pa siya ang pinakabatang miyembro nito.
Sinimulan niya ring pasinayaan ang Partido Nacionalista noong 1907, kung saan nanatili siyang pinuno nito hanggang noong 1921. Noong 1916 din, siya ay naging speaker ng House of Representatives (HOR), hanggang ganap na naging kasapi ng Senado noong 1923.
Noong 1935, siya ay inihalal bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Quezon. Siya ay nanatiling bise presidente hanggang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasawiang palad, pumanaw si Quezon noong Agosto 1944, kung kaya’t siya ang humalili rito bilang bagong Pangulo. Dalawang taon siyang namuno bilang Pangulo hanggang sa siya ay natalo ni Manuel Roxas sa isang halalan noong 1946.
Matapos ang kaniyang administrasyon at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbukas ang Pilipinas ng bagong Republika, kung saan si Roxas ang naging unang Pangulo.
Pagdiriwang ng Kaarawan ni Osmeña Sr. sa Cebu
Ipinagdiriwang ngayong Martes, Setyembre 9, 2025, ang ika-147 anibersayong kapanganakan ng ikaapat na Pangulo ng Pilipinas na si Sergio Osmeña Sr.
Ayon sa Republic Act No. 6953, ang Setyembre 9 ay ang “Osmeña Day,” kung saan ang araw na ito ay itinuturing na special non-working holiday sa Cebu, kabilang na ang mga component cities nito, bilang pagkilala sa buhay at serbisyo ni Sergio Osmeña Sr.
“The Grand Old Man of Cebu”
Ito ang taguri ng mga Cebuano kay Sergio Osmeña Sr. sapagkat simula kay Aguinaldo, si Osmeña Sr. pa lamang ang tangi at nag-iisang Pangulo na nagmula sa kanilang lalawigan.
Siya rin ay kinikilala bilang mahusay na mamamahayag, abogado, at mambabatas ng kaniyang mga kababayan.
Vincent Gutierrez/BALITA