Sa gitna ng karaniwang araw ng pagwawasto ng mga takdang-aralin sa matematika, isang hindi inaasahang sandali ang nagbigay-inspirasyon kay Teacher Lichelle Alcantara, Grade 8 Math Teacher.
Habang binabalikan niya ang activity notebook ng isa sa kaniyang mga mag-aaral, hindi lamang mga numero at solusyon ang kaniyang nakita—nakabasa siya ng isang sulat na nagmula mismo sa puso ng isang magulang.
Ayon kay Teacher Lichelle sa kaniyang viral Facebook post noong Setyembre 1, “While checking an activity notebook in my Mathematics subject, I unexpectedly came across a heartfelt note written by a parent. It was more than just words on paper."
Samantala, mababasa naman sa sulat-kamay ng ina ng mag-aaral niya ang nakaaantig na mensahe.
Mababasa, "Sorry Nak hindi kita natulungan sa Assignment mo... Pero gumising ako ng maaga para icheck... Pinanood ko pa sa Utube nak para matutunan ko siya... Tama ang mga sagot mo Nak. Congrats!!!"
"Kaya mo naman Nak eh! Ikaw pa diba!" mababasa sa note ng ina para sa anak.
Ang naturang mensahe, bagama’t simple, ay nagsilbing paalala ng sakripisyo at pagmamahal ng isang ina para sa kaniyang anak.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"I didn't need to read past the 'pinanood ko para matutunan ko sya' to know that she's not only a caring mother, but a supportive and incredibly loving mother as well."
"If only all parents are this supportive of their kids, the classroom will be a more fruitful ground to teach in. My heart breaks para sa students kong nalilimitahan ang learning dahil May iniisip sa bahay."
"i remember my mother hitting me in the head because i can't get to understand what she was saying while she was teaching me my homework when i was young. this heals me thanks for sharing."
"Ganito lang namn ka simple yung hinihingi ko, pero bakit hindi ko makuha?"
"Yun talaga yung mga bagay na magagawa mo pag naging parent kana ang gawin lahat ng pagkukulang nung ikas ay bata pa."
"Bakit umiiyak ako habang nagbabasa?"
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Lichelle, napag-alamang siya ay nagtuturo ng Mathematics sa Grade 8 sa high school department ng Asbury College Incorporated.
Ipinaliwanag ng guro na mahalaga ang parents' participation o involvement pagdating sa pagkatuto ng mga mag-aaral, kagaya na lamang sa ipinakita niya sa kaniyang post.
"Mahalaga ang parent involvement sa learning ng bata kasi nagbibigay ito ng motivation, guidance, at support," aniya.
"Mas nagiging confident at masipag ang student, at natututunan niyang i-value ang education."
"Kapag nagtutulungan ang parent at teacher, mas successful ang learning ng bata," dagdag pa niya.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 33k reactions, 4.6k shares, at 86 comments.
Ang buwan ng Setyembre ay National Teachers' Month.