May 22, 2026

Home BALITA

American Bully na hinataw ng isang lalaki, nagtamo ng iba't ibang bali sa katawan

American Bully na hinataw ng isang lalaki, nagtamo ng iba't ibang bali sa katawan
Photo courtesy: Jaymee Ignacio (FB)

Usap-usapan ngayon ang kumakalat na video sa social media hinggil sa paghataw ng palo ng isang lalaki sa isang asong “American Bully” kahit umano nakatali na ito. 

Nagdulot ang marahas na pagtratong ito sa pagkabali umano ng iba’t ibang mga buto sa katawan at hiwa sa mukha ng American Bully.

Ayon sa post ng Facebook user na si Jaymee Ignacio, naaktuhan sa CCTV footage mula sa barangay nila ang paghambalos ng lalaki sa nasabing aso. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jaymee nitong Martes, Setyembre 9, ikinuwento niya ang ilang mga detalye sa naturang insidente. 

Nangyari umano ang insidenteng pananakit sa kaniyang aso na si Chiki sa Brgy. Pandacan, Maynila noong Biyernes, Setyembre 5 bandang 4:30 ng hapon ayon sa record ng CCTV footage. 

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Mga 4:30 po ng hapon, kasi ‘yon po ‘yong oras sa CCTV footage nila (ng barangay). Lumabas po kasi ako para bumili ng meryenda. At usually po, ‘pag bumibili akong meryenda ay sinasaraduhan ko naman po ‘yong pintuan ko pero hindi ko na po siya pina-padlock,” panimula ni Jaymee. 

Paglilinaw ng uploader, nakatira umano siya sa isang apartment na may tatlong palapag at aksidenteng nakalabas ang kaniyang mga aso nang mabuksan ang pintuan sa ikatlong palapag kung saan siya tumutuloy. 

“Nakatira po ako sa isang parang apartment na hanggang third floor. Bale [may] first at second floor [pa] ‘yong place ko po. So may maliit na gate sa tabi ko papuntang third floor[...]

“Ito pong kapitbahay ko, mayroon po silang bisita[...] May bisita po sila. Hinahanap po nila ‘yong bisita nila [at] aksidente pong binuksan ‘yong pintuan ko po kaya nakalabas ‘yong mga aso ko,” patuloy ni Jaymee. 

Aniya, normal umano na naroon lang sa loob ng kaniyang tinitirahan at hindi nakatali ang kaniyang mga aso ngunit dahil nakita ng mga ito sa bintana na may tao ay nakalabas umano agad si Chiki nang mabuksan ang pinto. 

“‘Yong aso ko po kasi, hindi po sila nakakulong sa loob ng bahay. Nasa loob po sila ng bahay pero hindi po sila nakatali. ‘Yong aso ko po kasi, mahilig po silang mamintana. ‘Yong bintana po kasi [ay] katabi no’ng door. Kaya pagbukas na bukas ni ate [bisita] no’ng door, nakalabas na po sila,” anang owner ng American Bully. 

Nakarating umano ang aso niya sa kabilang kanto at nakita ng isang bata ang aso niya kaya lumapit ito rito. 

Dagdag pa niya, nakita raw noon ng barangay chairman sa Pandacan ang aso at ang bata kaya pinagsabihan nito ang bata na layuan ang aso sa pag-aakalang isa itong Pitbull. 

“Nakarating po sila hanggang sa kabilang streets namin. Ngayon, nakita na rin po siya ng chairman ng barangay namin. Sinasabihan na po niya ‘yong bata doon na may aso ngang nakawalang pitbull. Mukha po kasing pitbull ‘yong aso ko pero American Bully po siya. Hindi po siya pitbull,” paggigiit naman ni Jaymee. 

Lumapit pa umano ang bata kay Chiki at muling bumalik sa kanilang bahay ngunit narinig ng American Bully ang tahol ng asong pagmamay-ari ng pamilya ng nasabing bata kaya pumasok ito sa loob ng kanilang gate. 

“So ‘yong bata po, tumakbo na siya papasok ng bahay nila. Ngayon, may aso pa po pala silang alaga, e, tumahol at narinig ng aso ko. Kaya po do’n po pumunta ‘yong aso ko sa may mini gate po nila. ‘Yon po ‘yong kwento ni chairman na nangyari,” anang Jaymee. 

Pagpapatuloy pa ni Jaymee, “[s]a loob po no’n, nakita ko na rin po sa CCTV video na pinagpapalo na ng lolo niya ‘yong aso ko. ‘Yong pamalo po niya is batuta. ‘Yong batuta po na pang-rally. Ganoon po ‘yong pinampapalo niya.” 

Pagkukuwento pa ni Jaymee,, “[a]ng claim po nila is nilalapa daw po nga ng aso ko ‘yong aso nilang nakatali sa gate nila.” 

Pagkatapos ng mga pangyayari sa loob ng gate, kasunod na umano nito ang video na naaktuhan ng CCTV ng kanilang barangay ang paghambalos ng batuta ng isa lolo sa American Bully. 

“Meron pong tao do’n. Parang may motorshop po kasi do’n sa may kanto namin na nag-aalaga ng bully. Hinuli po siya [Chiki], tinali po siya nong marunong pong humawak ng aso. 

“Yun na po ‘yong pinost kong video. Hinampas po siya kahit nakatali na po siya nong matandang lolo. E, ‘yong aso ko po, wala naman po siyang nakagat. Kasi ‘yong habol naman po talaga is [‘yong] aso lang din. Parang naghahanap lang po siya ng kalaro,” paliwanag ni Jaymee. 

Naisaad din ni Jaymee na nagawa niya umanong makipag-areglo noong una sa pamilyang pinuntahan ng kanilang aso at naghayag na ipagagamot niya ang aso na nasaktan ng kaniyang American Bully. 

Ngunit napalitan ng galit ang naramdaman niya nang mapanood ang CCTV footage ng barangay na naaktuhang sinaktan umano ng isang lolo ang kaniyang aso gamit ang isang batuta. 

“Nong nakita ko na po ‘yong CCTV video kung paano niya pinaghahampas ‘yong aso ko, doon na po ako nagalit sa kaniya. Na ‘ba’t mo naman ginayan ‘yong aso ko. Ipagamot mo ‘yong aso ko.’Kasi basag-basag po talaga ‘yong mukha niya at saka ‘yong ribs niya. Nanghihina rin po siya,” pagbabahagi ni Jaymee. 

Nagtamo ng iba’t ibang bali ng mga buto sa katawan si Chiki at nagkaroon umano ng hiwa ang mukha nito matapos umano ang pananakit ng isang lalaki sa aso. 

“Bali po ‘yong ribs niya kasi pina-x-ray ko na rin po siya agad nong gabing ‘yon. Pilay po ‘yong paa niya [at] may hiwa po ‘yong mukha niya rin,” saad ni Jaymee. 

Kinakailangan niya umanong humanap ng iba pang OrthoVet upang maipagamot ang kaniyang aso ngunit hindi sapat ang pera niya sa pagpapagamot dahil may bayad din pala umano ang pagsasampa ng kaso sa lalaking namataang pumalo sa aso. 

Aniya, itutuloy niya ang pagsasampa ng kaso sa tulong ng The Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na nagpaabot na rin ng mensahe sa kaniya. 

Samantala, nagawa na ring magpaliwanag ng panig ng lolong nanakit sa aso sa pamamagitan ng kanilang post sa social media kaugnay sa naturang pangyayari. 

Anila, natural lang umano na magalit ang lolo nila dahil biglang may pumunta raw umanong salbaheng aso na nag-aamok sa kanilang gate. 

Photo courtesy: Jaymee Ignacio (FB)

Dagdag pa nila, nagawang hampasin ng lolo nila ang American Bully dahil hindi naman umano tama na yakapin ang nanlalapa ng aso nila sa loob ng kanilang bahay.

Dahil umano sa pagkalat ng naturang post ni Jaymee sa social media, kung ano-ano umanong mga negatibong mensahe at pagbabanta ang natatanggap ng kanilang pamilya. 

Samantala, nauna nang sabihin ni Jaymee sa panamayam na hindi nagkasundo ang kanilang panig at sa kabila nang mag-usap sila sa barangay ngunit desidido siyang ituloy ang pagsasampa ng kaso.  

Kinilala ang lalaking nanakit sa aso ni Jaymee bilang si Mang Boy. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita