Naniniwala ang ilang eksperto na ang pagbabasa ay nakatutulong para magbigay ng mga impormasyon na kailangan ng isang tao kaniyang pamumuhay at pag-unlad.
Ayon sa pag-aaral ng National Children’s Book and Literacy Alliance (NCBLA), ang libro, lalo na sa mga bata, ay nakatutulong para hubugin ang kritikal na pag-iisip nito, dahil sa mga bagong ideya na ibinibigay nito, na nagpapalawak din sa kasalukuyan nitong kaalaman.
Kung kaya nama’y nagpahayag ng saloobin ang isang Filipino awtor sa naging trending episode ng game show na “Family Feud” sa GMA Network sa umano’y pag-censor ng sagot sa jackpot round nito noong taong 2022.
Sa nasabing jackpot round, isa sa mga naitanong kay Buunja, isang manlalaro sa nasabing game show, livestreamer at cosplayer, itinanong kung anong parte ng katawan ang nagsisimula sa letrang T,, dito ay agad naman niyang isinagot ang “titi.”
Pinuri ng ilang manonood ang naging professionalism ni Dingdong Dantes, dahil nagpatuloy lamang ito sa pagtatanong imbis na matawa.
Sa naging eksklusibong panayam ng Balita kay Genardo Gojo Cruz noong 2022, ang awtor ng kuwentong pambata na “Ako ay May Titi,” o “I have a Penis” ibinahagi niya na layon nitong simulan sa pagkabata ang pagpapangalan ng wasto sa parte ng katawan.
“Simulan ko na sa kuwentong pambata sa pamamagitan ng sumisigaw na title, walang kahihiyang ginamit ko ang 'Ako ay May Titi' kasi walang bastos sa mismong salita, ang salita ay salita. Walang bastos sa bahagi ng katawan,” aniya.
Ang nasabing libro ay mayroon ding bersyong nakalaan para sa mga batang babae na nagngangalang, “Ako ay May Kiki” o “I Have a Vagina” ni Glenda Oris.
Bagama’t umani ng samu’t saring reaksyon mula sa publiko dahil sa tila kakaiba sa nakasanayang mga titulo at kuwento, ilan lamang ang mga panitikang ito na naglalayong magbigay kaalaman ang mga Pilipino mula pala lamang sa kanilang murang edad, para magabayan at mapangalagaan ang mga ito.
KAUGNAY NA BALITA:
Ayon sa Department of Education (DepEd) kamakailan, habang 1 hanggang 5 sa mga Pinoy mula edad 10 hanggang 64 ang naitalang nahihirapan intindihin ang binabasa, patuloy nitong pinagtitibay ang mga estratehiya ng mga eskwelahan sa pagtuturo, maging ang mga inisyatibo para mahikayat ang kritikal na pag-iisip sa pagbabasa.
Kung kaya naman, bilang pagdiriwang ng National Literacy Month sa buwan ng Setyembre, alamin kung ano ang mga aklat na makatutulong para maturuan ng mga wastong kaalaman at aral ang mga bata tungkol sa pangangatawan nito, kultura, at maging sa pisikal na itsura.
1. Ako ay May Titi (I Have a Penis)
Ang librong ito ay isinulat ni Genardo Gojo Cruz at iginuhit ni Beth Parrocha na layong magbigay kaalaman sa mga batang lalaki kung paano pangangalagaan ang pribadong parte ng kanilang katawan.
Habang umani ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens, layon din ng librong ito na hikayatin ang mga magulang na magkaroon ng maiging pag-uusap sa kanilang mga anak tungkol sa ilang sensitibong topic tulad ng pagpapangalan ng maayos sa parte ng kanilang katawan at kung ano ang nagagawa nito.
2. Ako ay May Kiki (I Have a Vagina)
Isinulat ni Glenda Oris sa pagguhit ni Beth Parrocha, ang “Ako ay May Kiki” ay layong turuan ang mga batang babae na pangalagaan at pag-iingat ng kanilang pribadong parte ng katawan.
Ito ay counterpart ng librong “Ako ay May Titi” na para naman sa mga batang lalaki.
3. My Name is Morena
Isinulat ni Ayn Bernos, sinundan sa librong ito ang mga paglalakbay ni Morena sa mga dagat at dalampasigan, at kalikasan, kung saan siya’ natututo na mahalin ang kaniyang kayumangging balat.
4. Hello, Tatay
Isa pang libro na isinulat ni Gojo Cruz at iginuhit naman ni Aldy Aguirre, sinundan dito ang istorya at mga karanasan sa buhay ng isang batang lalaki habang ang kaniyang ama ay nagtatrabaho bilang mandaragat.
Isa ito sa mga nanalo sa 2nd Gig Book Storywriting Contest at na-publish bilang parte ng Gig Seafarer Children's Stories series.
5. Junior’s Diary
Ang librong ito ay isa pang istorya ng isang bata na ang tatay ay isang mandaragat.
Isinulat ito ni Carlo Baltazar Ventura at iginuhit ni Conrad Raquel, na isa rin sa mga nanalo sa 2nd Gig Book Storywriting Contest at na-publish bilang parte ng Gig Seafarer Children's Stories series.
6. Sandosenang Sapatos
Isang maikling kuwento na isinulat ni Luis Gatmaitan, kung saan, sinundan rito ang istorya nina Karina at Susie, na ang ama ay isang sapatero.
Ipinakita rito na ang ama ay gumagawa ng sapatos para sa anak na si Susie, na ipinanganak na walang mga binti.
Ang Sandosenang Sapatos ay nanalo ng 2001 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
7. Ang Pambihirang Buhok ni Lola
Isinulat ni Rene Villanueva at iginuhit ni Ibarra Crisostomo, kung saan ikinuwento ang istorya ng isang lola na may pambihirang buhok, mayroon ding kakaibang lakas.
Sa pamamagitan ng istorya ng lolang ito, pinapakita na mayroon ding ekstraordinaryong lakas ang mga Pilipina.
Sean Antonio/BALITA