Naantig ang damdamin ng netizens sa viral video ng isang tatay na inilabas at ginamit ang kaniyang mga inipong barya para ipambili ng kaniyang motorsiklo.
Sa nasabing viral Facebook video ng isang motorcycle shop, makikitang mga supot ng barya ang dinala ni “Tatay Felomeno” sa kanilang Mangaldan Honda 3S Shop para mabili ang kaniyang Honda TMX Supremo motorcycle.
Dahil dito, umani ng mahigit 700K engagement ang nasabing post, kung saan, nagbahagi rin ng kanilang paghanga ang netizens.
“Congratulations po tatay nakuha mo yung pangarap mong motor sa sarili mong sikap at tyaga sa pag iipon mo god bless tatay keep safe lagi sa byahe mo”
“Congrats po tatay nakuha mo din ang gusto mo Basta magsikap lang talaga sa lahat ng bagay walang impossible”
“Nakakaiyak yung determination niya kahit barya lang ang pagiipon niya hays ”
“Your hardwork paid off po..”
Maging ang shop ay nagpahayag din ng kanilang admirasyon sa ipinakitang pagsusumikap ng matanda sa pamamagitan ng mga baryang ipinangbayad.
“Si Tatay, matiyagang nag-ipon ng mga baryang pinaghirapan sa bawat pawis at pagod. Walang barya ang nasayang. Lahat ay itinabi, lahat ay may kwento ng sakripisyo at paghihintay,” panimula sa caption nito.
“Pinatunayan ni Tatay na kailanman ay hindi maliit ang barya, lalo na kung malaki ang pangarap na pinaghahandaan. Ang bawat ipon, gaano man kaliit, ay may kakayahang magdala ng malaking pagbabago sa buhay.”
“Saludo kami sa lahat ng katulad ni Tatay na walang sawang nagsusumikap para sa kanilang pamilya. Dahil sa dulo, ang bawat barya ay hakbang papalapit sa katuparan ng pangarap,” dagdag pa rito.
Sa isa pang post ng motorcyle shop, ipinasilip ang kuwento sa likod ng mga baryang naipon ni Tatay.
Dito ay ikinuwento ni Tatay at ng kaniyang asawa na ang naging pambili ng motor ay mula sa mga baryang inipon ng ilang taon mula sa kanilang mga tindang ulam at munting sari-sari store.
Sean Antonio/BALITA