Bumwelta si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos pangalanan ang mga opisyal na naambunan umano ng porsiyento mula sa mga proyekto nina Curlee at Sarah Discaya.
Sa latest Facebook post ni Sotto nitong Lunes, Setyembre 8, sinabi niya ang mga napunang “inconsistencies” mula sa mga pahayag ng mag-asawa.
Aniya, “Sabi ni Mistermind Curlee ‘2-3% lang’ ng contract cost ang kita nila kada project.. ‘swerte na’ daw kung 5%. Sa ibang project lugi pa daw sila (wow).”
“Taliwas ito sa statement nila sa isang interview, kung saan sinabi nilang bilyonaryo sila at nasa ‘11 digits’ na daw ang pera nila. Meaning AT LEAST ₱10 BILLION...Dahil PAANO KA MAGIGING BILYONARYO NA GANUN SA 2-3% PROFIT?” dugtong pa ni Sotto.
Ayon kay Sotto, ang Pangulo na mismo ang nakakita sa mga ghost project ng Discaya. Matatandaang kabilang ang dalawang kompanya ng mag-asawa sa listahan ng top 15 contractor companies na pumaldo sa flood control projects ng gobyerno.
“Sinong gagawa ng ganun kalaking krimen para sa 2-3% na kita? Wag tayong magpauto sa mga paawa effect nila... Wala daw silang magawa??” anang alkalde.
Dagdag pa niya, “The challenge is now how to sift through the half-truths and attempts to mislead us, not only of the spouses discaya but of everyone involved.”
Samantala, ayon kay Curlee, kasama umano si Pasig City lone district Rep. Roman Romulo sa listahan ng mga politikong nakatanggap ng porsiyento mula sa kanilang proyekto.
Maki-Balita: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya