Nagsalita na si House Speaker Martin Romualdez sa alegasyon ng kontraktor na si Pacifico "Curlee" Discaya II na nakatanggap umano siya ng komisyon mula sa mga flood control project ng huli.
Ito'y matapos isiwalat ni Discaya na 25% sa pondo ng flood control projects na hawak ng kanilang kompanya ay napupunta umano kay Romualdez at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
"I cannot and will not allow lies and name-dropping to pass unchecked," saad ni Romualdez sa isang pahayag nitong Lunes, Setyembre 8.
Nilinaw ng house speaker na wala siyang kinalaman sa alegasyon.
"The claim in the Discaya couple’s affidavit that my name was used for commissions is false, malicious, and nothing more than name-dropping. Let me be clear: Wala akong kinalaman, wala akong pahintulot, at wala akong basbas sa mga ganyang gawain," saad ni Romualdez. "Congress debates and approves the budget. It does not release funds. It does not implement projects. That is the sole duty of the Executive and agencies like the DPWH."
Giit pa ng house speaker, "If anyone invoked my name, they did so without my knowledge and without my consent. At kung ginawa nila iyon para kumita, sila ang mandaraya at sila ang dapat managot."
Paliwanag pa ni Romualdez na hinding-hindi raw siya tatanggap ng suhol kaninoman, at wala raw may kayang manuhol sa kaniya, at alam daw ito ng House Members.
"And I say this with all honesty: I have never, and I will never, accept a bribe from anybody. Walang sinuman ang kayang manuhol sa akin. Alam iyan ng lahat ng House Members. I am self-made, and I have been blessed with the trust of the Filipino people. I do not need—and will never allow myself—to be corrupted by money that does not belong to me," aniya.
"Kung may nang-abuso o gumamit ng pangalan ko para kumita, sila ang dapat managot—kahit sino pa sila, sa loob o labas ng gobyerno. But let us not allow lies and name-dropping to destroy reputations or weaken faith in Congress," dagdag pa ng tagapanguna ng Kamara.
"I will not allow falsehoods to tarnish my integrity or the institution I lead. Under my watch, we will clean the system, punish the guilty, and protect the people’s money."
Kaugnay nito, isiniwalat din ni Discaya na may 18 pang kongresista ang nanghihingi umano ng 10-25% share sa mga proyektong napanalunan nila.
"Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa sa 25% na naging kundisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata," aniya.