Humingi na ng paumanhin si Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. matapos mapamura sa isang live interview sa programa ni Cheryl Cosim.
Hindi raw namalayan ni Garbin na on-air na siya, at dinig na dinig ang malutong na pagmumura niya ng "Put*ng-ina."
Kinapanayam ni Cosim si Garbin nitong Lunes ng tanghali, Setyembre 8, 2025, upang kumustahin ang kalusugan ng kasama niya sa partido na si Rep. Zaldy Co, na sinasabing nasa ibang bansa para sa atensyong medikal.
Nasasangkot si Co sa mga alegasyon ng korapsyon sa maanomalyang flood control projects na ilang linggo na ring mainit na pinag-uusapan.
Dumalo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing si Navotas Rep. Toby Tiangco at itinuro si Co na siyang nasa likod umano ng ilang mga anomalya patungkol sa proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Nang mapamura, agad namang kinuha ni Cosim ang atensyon ng kongresista at sinabihan siyang on-air na.
"Cong… Cong, you’re on the air," anang Cosim.
Agad namang humingi ng paumanhin si Garbin matapos ang insidente.
Mababasa ito sa kaniyang inilabas na Facebook post. Paliwanag niya, naglalakad siya at natapilok kaya napamura siya.
"Pasensya na tao lang po! I sincerely apologize for the curse word that was caught right after my live interview on One Balita,” ani Garbin.
“The stumble startled me, and in that unguarded moment, I blurted out a curse word — something I usually say in private and never intended for the public to hear.”
“Moving forward, I will take greater care to avoid similar incidents. Once again, I apologize to the viewers and to anyone who may have been offended," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Alfredo Garbin, Jr./FB