Nagbigay ng pahayag si Akbayan Rep. Chel Diokno matapos pangalanan ang mga opisyal na naambunan umano ng porsiyento mula sa mga proyekto nina Curlee at Sarah Discaya.
Ayon kay Curlee Discaya, isa sa may-ari ng St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corp. at Alpha & Omega General Contractor & Development Corp, may mga opisyal umano mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na lumapit sa kanila para kunin ang parte sa proyekto.
"Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa sa 25% na naging kundisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata," aniya.
Maki-Balita: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya
Kaya sa latest Facebook post ni Diokno nitong Lunes, Setyembre 8, himanon niya ang mga opisyal na nadawit na maglabas ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at pumirma ng waiver sa bank secrecy.
“Sa mga pagbubunyag nitong umaga sa Senado , hinahamon natin ang lahat ng nadawit—mga tauhan at opisyal ng DPWH, pati na rin ang ilang mambabatas—na ipakita ang kanilang SALN at lumagda ng waiver sa bank secrecy para sa ganap na transparency,” saad ni Diokno.
Dagdag pa niya, “Hinihikayat din natin ang iba pang mga kontratista at opisyales na lumantad at isiwalat ang kanilang nalalaman tungkol sa mga iregularidad.”
Ayon sa kongresista, makikita umano sa pagkakataong ito na hindi natatapos ang korupsiyon sa isang administrasyon.
“Dapat managot ang lahat ng nasa likod nito, kasama ang kanilang mga kasabwat. Hindi tayo papayag na may makakalusot,” pahabol pa niya.
Matatandaang kabilang ang dalawang kompanya ng mag-asawang Discaya sa listahan ng top 15 contractor companies na pumaldo sa flood control projects ng gobyerno.