Inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang kanilang pagtalakay sa panukalang 2026 budget ng Office of the President ngayong araw ng Lunes, Setyembre 8, 2025.
Bilang paggalang umano sa tinatawag na “institutional courtesy," na binigyang-diin na ito ay hindi nakakaapekto sa kapangyarihan ng Kongreso hinggil sa General Appropriations Bill, inaprubahan sa botong 56-5 ang pagpapasa sa nasa ₱27.3 bilyong budget ng Office of the President (OP).
Giit ng limang mambabatas mula sa minorya, dapat umanong hayaan ang pagbusisi sa pondo ng Office of the President dahil pera ito ng taumbayan.
Subalit nanaig ang pagpabor ng 56 na mambabatas na huwag na masyadong usisain pa ito.
Dumating sa budget hearing si Executive Secretary Lucas Bersamin, kung saan sinabi niyang nasa full cooperation ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. pagdating sa budget.
Humihingi umano ang tanggapan ng Pangulo sa Kongreso ng budget na ₱27.28 bilyon para sa fiscal year 2026, kung saan 72% umano ang pagtaas nito mula sa kasalukuyang taon na budget na nasa ₱15.8 bilyon.
Umano'y gagamitin ang ₱17.5 bilyon sa hosting ng Pilipinas para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.