Muling tumaas ang rank ng Filipino professional tennis player na si Alex Eala mula sa rank 75th patungong rank 61 sa Women's Tennis Association (WTA).
Sa inilabas na bagong tala ng WTA ngayong Lunes, Setyembre 8, makikitang pang-61 na ang kasalukuyang katayuan ni Eala sa hanay ng mga propesyunal na babaeng manlalaro ng Tennis sa buong mundo.
Pagkatapos ito ng naging makasaysayang pagkamit ni Eala ng kaniyang kauna-unahang titulo sa WTA bilang kampeon noong Linggo (araw sa Pilipinas), Setyembre 7, 2025.
Matagumpay na nakamit ni Eala ang tropeo sa kompetisyon ng Guadalajara 125 Open na ginanap sa Grandstand Caliente, Mexico nang talunin niya sa finals ang pambato ng Hungary na si Panna Udvardy.
Nagresulta ang kanilang dikdikan na laban sa mga sets scores na 1-6, 7-5, at 6-3.
Ayon sa tala ng WTA, mayroon na ngayong record na 32 bilang na mga panalo habang 19 bilang na mga talo si Eala sa mga kompetisyon nilabanan niya ngayong 2025.
Samantala, bukod sa kasalukuyang ika-61 na rank ni Eala, ang pinakamataas naitalang katayuan niya sa WTA ay pang-56 noong Hunyo 30, 2025.
Kasunod namang lalabanan ng 20-anyos na manlalaro ang Sao Paolo Open sa bansang Brazil mulang Setyembre 8 hanggang 14 ngayong taon.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Come from behind win!’ Alex Eala, inangkin kampeonato ng WTA 125 championship
KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, namamayagpag sa Guadalajara; lalaban para sa ginto!
Mc Vincent Mirabuna/Balita