Isa sa mga pinakamahahalagang pista o okasyon sa Simbahang Katolika ay ang pagdiriwang ng “Nativity’ ni Blessed Virgin Mary tuwing Setyembre 8 taun-taon.
Maraming deboto ng Katolisismo ang nagsasabi na ang pagdiriwang na ito ay tinatawag ding “Dawn of Our Salvation,” sapagkat ito ay simbolo umano ng plano ng Panginoon na piliin si Mariang Birhen na maging ina ng tagapagligtas ng sanlibutan na si Hesukristo.
Kasaysayan ng Pista ng “Nativity” ni Blessed Virgin Mary
Ang selebrasyon ng kapanganakan ni Mariang Birhen ay matatandaang nagsimula ilang siglo na ang nakalipas matapos maipalaganap sa buong mundo ang relihiyong Kristiyanismo. May mga record umano sa kasaysayan na ang pistang ito ay ginugunita na ng “Eastern Church” noon pang ikalimang siglo, na kalaunan ay ipinagdiwang na rin ng “Western Church” matapos ang ilang siglo.
Mababasa sa isang “ancient text” na “Protoevangelium of James,” ang mag-asawang sina Saint Joachim at Saint Anne ay humarap sa matinding hinagpis ng maraming taon dulot ng kawalan ng anak. Ngunit dahil sa biyaya ng Panginoon, ibinigay ang kanilang kahilingan at dasal na magkaanak, at iyon ay ang pagsilang kay Maria.
Inihalintulad ang kuwentong ito ni Saint Joachim at Saint Anne sa istorya nina Abraham at Sarah, o kaya naman ay kina Hannah at Elkanah, upang ipakita na ang Panginoon ay gumagawa ng mga bagay na akala ng mga tao ay imposible.
Ang “Ispiritwal” na Kahalagahan ng “Nativity” ni Blessed Virgin Mary
Ang “Nativity” ni Maria ay hindi lang sumisimbolo sa simpleng pagsilang ng isang sanggol, kung hindi ito ay tumatakalay rin sa pagdating ng itinakdang magdadala at magsisilang sa “Messiah.”
Ang pagdating ni Maria sa mundo ay sumisimbolo rin sa:
“The Dawn of Hope”
Matapos ang paghihintay ng mahabang panahon, ang pagkakapanganak kay Maria ay isang testamento na ang pangako ng Panginoon ay matutupad, sapagkat sa kaniyang sinapupunan mananatili ang tagapagligtas bago pa man ito maisilang.
“Divine Providence at Work”
Ang lahat ng pangyayari, mula sa pagsilang kay Maria, hanggang dalhin niya sa kaniyang sinapupunan si Kristo, ay masasabing metikulosong plano ng Panginoon upang mailigtas ang lahat ng tao sa sanlibutan.
Ang “Nativity” ni Blessed Virgin Mary ay hindi lamang simpleng okasyon, ito ay isang tanda at pagdiriwang ng pag-asa at magandang plano ng Panginoon sa bawat isa.
Sa selebrasyon ng kaarawan ni Maria, pakatandaang hindi lamang siya ina ni Hesukristo, siya rin ay ang ina ng lahat ng tao sa mundo.
Vincent Gutierrez/BALITA