December 18, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang mga serbisyong medikal ng gobyerno para sa Leukemia?

ALAMIN: Ano ang mga serbisyong medikal ng gobyerno para sa Leukemia?
Photo courtesy: Unsplash

Ang leukemia ay isang uri ng kanser sa dugo, kung saan, nagbabago ang mga cells o selula ng katawan sa pamamagitan ng pagdami ng bilang ng white blood cells kaysa sa red blood cells. 

Ayon sa National Nutrition Council (NNC), ang overgrowth na ito ay nagiging dahilan ng overcrowding ng mga malulusog na blood cells, na kalauna’y nagiging dahilan ng pag-usbong ng malalalang problema sa buong katawan. 

Ang Leukemia ay kinokonsiderang “silent killer” dahil kadalasan sa mga paunang sintomas nito tulad ng lagnat o pagkapagod o fatigue ay hawig sa mga kadalasang pangitain ng ibang pangkaraniwang sakit. 

Ayon sa Department of Health (DOH), mahigit-kumulang 14 ang bilang ng mga batang Pilipino na nada-diagnose ng cancer araw-araw, at kalahati ng uri ng mga cancer na iyon ay ang Acute Lymphoblastic Leukemia (ALL), na isang uri ng leukemia na kadalasa’y mga bata, teenagers, at young adults hanggang edad 39 ang nagkakaroon.  

Human-Interest

Boss, nabanas! Office worker na pumapasok nang maaga, sinibak sa trabaho

Kung kaya ayon sa artikulong “Supporting leukemia patients in the Philippines: a call to action” na nailathala sa National Library of Medicine (NIH), ang leukemia ay isa sa mga top 5 killer cancers, kung saan mayroong 5,416 na bilang ng mga namatay dahil dito, ayon naman sa International Agency for Research on Cancer.

Dahil dito, ang gobyerno ay nag-implementa ng mga programa sa layong maitaas ang kamalayan ng publiko sa mga blood-related disorders na nakaaapekto sa mga Pilipino. 

Isa rito ay ang Proclamation No. 1833 o na nagpo-proklama sa buwan ng Setyembre bilang “Blood Diseases Month,” kung saan dito sa proklamasyong ito ay ginagamit ang social media para ipaalam sa publiko ang mga impormasyon tungkol sa dugo, kasama rin dito ang mga sakit na umaatake rito, sanhi, sintomas, at tamang nutrisyon para maiwasan ito. 

Mayroon ding kasalukuyang nasa proseso ng pagsasabatas, ang Philippine Blood Disease and Transfusion Center Act o ang Senate Bill No. 2584.

Layon ng panukalang ito na makapagpatayo ang gobyerno ng specialty 250-bed capacity hospital na komprehensibong mangangalaga at gagamot para sa mga taong apektado ng iba’t ibang kondisyon at sakit sa dugo. 

Narito ang ilan pa sa mga serbisyong medikal ng gobyerno para sa Leukemia patients: 

1. Cancer and Supportive-Palliative Medicines Access Program (CSPMAP) 

Ito ay isang programa sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) kung saan, nagbibigay ng libreng medikasyon sa cancer patients at mga pamilya nito, sa layong bawasan ang kanilang mga pinansyal na alalahanin.

2. Cancer Assistance Fund (CAF) 

Sa pamamagitan naman ng inisyatibong ito, nakapagbibigay ang gobyerno ng tulong-pinansyal para sa cancer treatments at procedures katulad ng diagnostic tests, at laboratory services para sa 8 priority cancer types sa mga piling ospital sa bansa. 

Ayon sa Joint Memorandum Circular No. 2023-0001 ng DOH at Department of Budget and Management (DBM), ang sinasabing 8 priority cancer types ay ang breast cancer, childhood cancers, gynecologic cancers, liver cancer, kasama rito ang colorectal at iba pang digestive track cancer, adult blood cancers,  head and neck cancers, kasama ang thyroid, lung cancer, at prostate, renal, at urinary bladder cancer. 

3. DOH Medical Assistance Program (MAP)

Ang programang ito ay naglalayong magbigay suporta sa mga pasyente na sumailalim sa mga konsultasyon, rehabilitasyon, o mga eksaminasyon. 

Ito ay para sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) o kaya nama’y inendorso ng Department of Social Welfare and Development. 

4. PhilHealth Z Benefits 

Ang Z-Benefits Package ay nagbibigay tulong pinansyal sa mga kinokonsiderang “severe and financially draining” o mga grabe at mga sakit na nangangailangan ng mahal at matagal na gamutan. 

Ilan sa mga sinasagot dito ay ang diagnostic tests, surgery, chemotherapy, at hormone therapy.

5. Individual Medical Assistance Program (IMAP)

Isang inisyatibo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang IMAP ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga indibidwal na may sakit tulad ng cancer. 

Ilan sa mga sinasagot na gastusin rito para sa cancer ay ang chemotherapy at radiation therapy. 

Habang ang leukemia ay kinokonsiderang “silent killer” ng mga eksperto, hinihikayat ng gobyerno ang mga Pilipino na mas maging maalam at maagap tungkol sa sakit na ito. 

Kung makaramdam ng kakaibang sintomas sa pangangatawan, mangyari lamang na pumunta sa pinakamalapit na health center para magpatingin. 

Sean Antonio/BALITA