Sinariwa ni dating child star Zaijan Jaranilla ang iconic role niya bilang “Santino” sa patok na teleseryeng “May Bukas Pa” na nagsimulang umere noong 2009.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” kamakailan, ikinuwento niya ang tungkol sa umano’y mag-lolo na lumapit sa kaniya noon.
“May lumapit sa akin na mag-lolo. ‘Yong lolo niya, bulag. Tapos ‘yong apo niya, parang lumapit bigla sa akin. Hinawakan niya ‘yong kamay ng lolo niya. Then pinahawak sa akin,” lahad ni Zaijan.
Then, sabi ng apo, ‘Lo, ito na po si Santino.’ Tapos sabi ng lolo na bulag, ‘Santino, pagalingin mo ako.’ ‘Yon pala, pinapakinggan niya lang sa TV ‘yong boses ko. Kasi nga po, hindi siya nakakanood.
Ayon kay Zaijan, binabalik-balikan umano niya ang karanasang ito na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa kaniya.
“Totoo pala ‘yong impact na nagawa ko. Ang intense no’n, a,” sabi pa ng dating child star.
Nakasentro ang kuwento ng “May Bukas Pa” kay Santino, isang abandonadong bata, na pinalaki ng mga pari sa isang simbahan. Sa kaniyang paglaki, tila magiging tagapagligtas siya ng mga tao sa lugar niya.