Pumalag ang kampo ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya sa mga alegasyon ng Palasyo hinggil sa umano’y pagiging kontraktor nila ng nangyaring substandard na konstruksyon sa Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, Maynila.
Sa panayam ng media sa legal counsel ng mga Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III noong Setyembre 5, 2025, nilinaw niyang phase 1 lang daw ang nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
“Ni-revise po ‘yon. So kumuha po sila ng ibang kontratista. Ang gumagawa po doon ay hindi po ang Great Pacific Builders Contractor Inc. kundi po ang gumagawa po doon ay Theatre Box Solutions and Services Corporation,” ani Samaniego.
Paglilinaw pa niya, “Hindi po amin ‘yon. At hindi po namin alam kung sino po nangontrata po doon.”
Ang Great Pacific Builders Contractor Inc. ay kabilang sa 9 na mga construction firms na pagmamay-ari ng mga Discaya na tinanggalan ng lisensya ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang itinira?' PCAB binawi lisensya ng 9 na construction firms ng mga Discaya
Matatandaang naging usap-usapan ang Philippine Film Heritage Building na ayon sa Palasyo ay nakatakda na raw sanang makumpleto ngayong Setyembre ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin itong pagawain habang ang ibang parte ay nito ay malapit na raw muling masira.
Samantala, sa hiwalay na pahayag ni Palace Press Undersecretary Claire Castro, iginiit niyang dapat daw busisiin ng mga Discaya ang lahat ng kanilang mga kontrata at proyektong tinatanggap sa gobyerno.
“The Discayas should study first all the contracts entered into by and between Great Pacific Builders and General Contractor Inc. (as Contractor) and DPWH. They might have forgotten their commitments considering the numerous projects that they got from the government,” ani Castro.