Nagimbal ang mga netizen sa kumakalat na tsika sa social media sa umano'y napansin ng mga katkaterang netizen, sa social media platforms ni Paola Huyong, fiancee ng "It's Showtime" host na si Ryan Bang, na nagbigay ng espekulasyon sa mga netizen na baka hindi na umano matutuloy ang kanilang kasal.
Batay kasi sa mga kumakalat na ulat, napansin ng mga netizen na umano'y deleted o hindi na makikita sa Instagram account ni Paola ang engagement photos nila ni Ryan.
Lalong umingay ang mga espekulasyon nang mag-post si Paola ng video sa social media, na umano'y hindi na raw suot ang engagement ring na inialay sa kaniya ni Ryan.
Sa latest episode naman ng "Ogie Diaz Showbiz Update," ang mainit na tsikang nakarating sa kanila, inaayos na raw ng dalawa ang problema at soon, inaasahang mag-aanunsyo sila kung ano ang desisyon.
Sey ni Ogie, kung may problema raw, sana maayos nilang dalawa at matuloy pa rin ang kanilang kasal.
Hindi naman na nagbigay ng anumang detalye si Ogie tungkol dito.
RYAN BANG-PAOLA HUYONG ENGAGEMENT
Hunyo 29, 2024 nang i-anunsyo ni Paola sa social media ang pagbibigay niya ng matamis na oo sa paghingi ni Ryan sa kaniyang mga kamay, para maging wife sa hinaharap.
Siyempre pa, super proud din naman si Ryan na ipagwagwagan sa madlang people ang engagement nila ni Paola.
Sa panayam sa "TV Patrol" noong Pebrero 2024, mega share si Ryan kung paano ba sila nagkakilala ni Paola.
Naging daan pala ang isang "football game" para magkrus ang mga landas nilang dalawa. Kuwento ni Ryan, siya ang nasa middle field, at si Paola naman ang striker.
Pero mukhang puso ni Ryan ang na-strike ni Paola, ha!
Kinuha raw ni Ryan ang number ni Paola dahil may ipapasa siyang kuhang video ng laro nila.
At dito na raw nagsimulang magkausap ang dalawa, hanggang sa eventually nga ay mahulog ang loob sa isa't isa.
Ipinakilala na niya si Paola sa mga katrabaho sa It's Showtime, lalo na sa kaniyang ina-inahang si Unkabogable Star Vice Ganda.
Bandang Setyembre nang lumipad ang dalawa sa South Korea upang ipakilala si Paola sa mga magulang niya. Nagulat pa nga raw sila dahil unang beses na may ipakilalang bebot si Ryan sa kanila. Sa kultura daw nila, kapag may ipinakilalang babae ang lalaking anak sa mga magulang, ibig sabihin, talagang nakikita na niyang wife material ito.
Bagay na kinumpirma naman ni Ryan at sinabing nakikita niyang "forever" na niya si Paola.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag sina Ryan at Paola tungkol sa napababalitang hindi na matutuloy ang kasal nila.
KAUGNAY NA BALITA: Ryan Bang, engaged na sa non-showbiz girlfriend