December 14, 2025

Home SPORTS

KILALANIN: Si Janelle Mae Frayna, first-ever Pinay chess grandmaster ng isang int’l women’s chess game

KILALANIN: Si Janelle Mae Frayna, first-ever Pinay chess grandmaster ng isang int’l women’s chess game
Photo courtesy: WGM Janelle Mae Frayna (FB)

Ipinagbunyi ng Pilipinas ang pagsungkit ng kampeonato ni Woman Grandmaster (WGM) Janelle Mae Frayna sa 31st Abu Dhabi International Chess Festival  - Ladies Blitz kamakailan, kung saan, sa unang pagkakataon sa kasaysayan, isang Pilipina ang nag-uwi ng kampeonato sa isang international women’s chess competition. 

Tinalo ni Frayna ang 120 kalahok mula sa 24 na bansa sa iskor na 8 puntos, buhat ng 7 panalo at 2 tabla. 

Sinelyuhan niya ang korona matapos ang huling round ng tabla laban kay Uzbek International Master Gulrukhbegim Tokhirjonova.

Bagama’t naging matindi ang kompetisyon abroad, ipinahayag ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ang kanilang admirasyon sa ipinakitang talino at determinasyon ni Frayna sa pag-uuwi ng ginto para sa bansa. 

Ranking ng Pilipinas, patuloy pagratsada sa 33rd SEA GAMES 2025

Dahil sa makasaysayang tagumpay na ito sa larangan ng Philippine chess, kilalanin ang kampeon at Chess Grandmaster na si Janelle Frayna sa likod ng tropeo: 

Bago pa man makamit ang titulong “First Female Chess Grandmaster” noong siya’y 20 taong gulang, si Frayna ay ipinanganak noong Mayo 1996 sa Legazpi, Albay, kung saan 11 taong gulang pa lamang siya ay napukaw na ang kaniyang interes sa chess. 

Simula elementarya hanggang high school, naging parte siya ng honor roll, at taong 2017, nakapagtapos siya bilang cum laude sa Far Eastern University (FEU), sa kursong Psychology. 

Sa unang dalawang taon ni Frayna, nagsimula siyang pumasok sa mga tournament sa kaniyang lungsod, at kalauna’y sa Palarong Pambansa. 

Nasundan pa ito ng mga tropeo sa mga sumunod na kampeonatong sinalihan nang mga sumunod na taon tulad ng Philippine Women’s National Championship at ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Age-Group Chess Championships. 

Taong 2010, pumasok si Frayna sa Philippine Academy for Chess Excellence, at taong 2011,  isa siya sa mga pinakabatang nagwagi sa Philippine National Juniors. 

Taong 2013, nakuha niya ang titulong Woman FIDE (Fédération Internationale des Échecs o International Chess Federation) Master, at 2014, naging Woman International Master naman siya. 

At bilang parte rin ng FEU Diliman Juniors Chess Team, si Frayna ang kauna-unahang babae na nanalo laban sa isang grandmaster at international master sa Battle of the Grandmasters Tournament noong 2014 din. 

Taong 2016, sinelyuhan niya ang titulong Woman Grandmaster sa 42nd Chess Olympiad, dito rin ay kinilala siya bilang “Philippines’ First Woman Grandmaster."

Taong 2021, iminungkahi ng NCFP si Frayna para i-representa ang bansa sa 2021 FIDE Women’s World Cup sa Russia matapos mabigyan ng 39 wild card slot ang Pilipinas para sa tournament. 

Sa kaparehas na taon, nanalo siya ng 2 tansong medalya sa 2021 Southeast Asian Games sa Vietnam. 

Taong 2023, nag-uwi ng pilak na medalya sa ouk chaktrang sa Cambodia kasama si Woman International Master Shaina Mae Mendoza. 

At sa taong 2025, naging kampeon si Frayna sa Ladies Blitz ng 31st Abu Dhabi International Chess Festival sa UAE (United Arab Emirates), kung saan dito ay kinilala siya bilang unang Filipina na nanalo sa international women’s chess. 

Sa kaugnay na balita, si Alex Eala ang isa pang Filipina ang gumawa ng kasaysayan sa larangan naman ng tennis, kung saan siya nanalo ng Grand Slam main sa Guadalajara 125 Open, noong Linggo, Setyembre 7.

Si Eala rin ay kinilala bilang unang Pinay na nakapag-uwi ng WTA (Women’s Tennis Association) title.

KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, namamayagpag sa Guadalajara; lalaban para sa ginto!

Sean Antonio/BALITA