Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isa sa mga pinakamahihirap na examination sa bansa ay ang Bar Examinations. Ito ay isang mahalagang pagsusulit na naglalayong sukatin ang kakayahan ng isang taong naghahangad na pasukin ang mundo ng abogasya.
Ayon sa isang datos, taong 1901 isinagawa ang unang bar examination sa bansa, na mayroon lamang 13 examinees. Hanggang sa tumagal nang tumagal, dumami na ang dumami ang kumuha ng pagsusulit na ito, sa pag-asang maging isang mahusay at ganap na abogado.
Ngunit sa kasaysayan ng Philippine Bar Examinations, may mga pangalang tumatak, hindi lang dahil inabot nila ang rurok ng kahusayan sa nasabing pagsusulit, bagkus naging tanyag din sila sa kani-kanilang mga tinahak.
1. Dating Supreme Court (SC) Associate Justice Florenz Regalado
Si dating SC Associate Justice Florenz Regalado ay ang ika-14 na Associate Justice ng Korte Suprema. Siya ay nanilbihan mula noong Hulyo 29, 1988 hanggang Oktubre 13, 1998. Nakuha niya ang karangalang “magna cum laude” noong 1954 sa San Beda College of Law, at nakapagtapos sa kaniyang Masters of Laws degree sa University of Michigan noong 1963.
Sa kasalukuyan, siya pa rin ang may hawak ng record sa may pinakamataas na nakuhang average sa kasaysayan ng Philippine Bar Examinations, 96.7%, na kaniyang nakuha noong taong 1954.
2. Dating Senadora Tecla San Andres-Ziga
Si dating senadora Tecla San Andres-Ziga ay nanilbihan bilang senador noong 1963, matapos niyang mapabilang sa Kongreso noong Nobyembre 1955. Nakuha niya ang kaniyang Liberal Arts degree sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), at ang kaniyang law degree sa parehong eskuwelahan noong 1930.
Siya ang kauna-unahang babaeng bar topnotcher sa kasaysayan ng Philippine Bar Examinations. Nakuha niya ang average na 89.4% noong 1930.
3. Dating Senador Jose Diokno
Si dating senador Jose Diokno ay naging senador noong 1963 hanggang 1969, at naluklok sa ikalawang termino hanggang 1972. Siya ay nagtapos sa kaniyang commerce degree sa De La Salle College noong 1939. Noong siya ay nasa ikalawang taon ng pag-aaral ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), naantala ang kaniyang pag-aaral bunsod ng nagaganap na digmaan. Ngunit ito ay ipinagpatuloy niya sa law office ng kaniyang amang si Ramon Diokno, dating SC justice.
Sa kaniyang husay, siya ay minsan ding na-”draft” bilang puno ng justice department noong panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Nakuha niya ang top spot sa parehong Certified Public Accountant Examinations noong 1940 at Philippine Bar Examinations noong 1945. Siya rin ang kauna-unahang bar topnotcher na hindi nagtapos sa isang law school.
4. Dating Pangulong Manuel Roxas
Si dating Pangulong Manuel Roxas ay nanilbihan bilang municipal council ng Capiz noong 1917. Bago pa man maging pangulo, siya rin ay naging gobernador ng Capiz mula 1919 hanggang 1921, hanggang siya ay maging Speaker of the House at miyembro ng Council of State. Siya rin ay naging Secretary of Finance sa ilalim ng Komonwelt noong 1938 hanggang 1940, at naging pangulo ng bagong republika ng Pilipinas noong 1946.
Siya ay nagtapos sa kaniyang pag-aaral ng abogasya noong 1913, sa Unibersidad ng Pilipinas. Nakuha niya rin ang unang puwesto sa Philippine Bar Examinations noong 1913, nang may gradong 92%.
5. Dating Pangulong Diosdado Macapagal
Si dating Pangulong Diosdado Macapagal ay ang ikasiyam na pangulo ng bansa, na siya ring ama ng dati ring pangulong si Gloria Macapagal Arroyo. Siya ang naging presidente ng bansa noong 1961 hanggang 1965, at ang naging ikaanim na bise presidente ng Pilipinas noong 1957 hanggang 1961. Siya rin ay naging miyembro ng House of Representatives noong 1949, at naging puno ng Constitutional Convention ng 1970.
Siya ay nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at naging topnotcher ng Philippine Bar Examinations noong 1936, na may gradong 89.85%.
6. Dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay ang ikasampung pangulo ng Pilipinas, na nanilbihan mula 1965 hanggang 1986. Naglingkod din siyang Senate President noong 1963 hanggang 1965, at opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Siya ay nagtapos sa kaniyang Liberal Arts degree sa Unibersidad ng Pilipinas at naging bar topnotcher noong 1939, na may gradong 92.35%.
Ang taunang Philippine Bar Examinations ay pinangungunahan ng Korte Suprema, at isinasagawa sa lahat ng testing centers sa buong bansa.
Ang Philippine Bar Examination 2025 ay gaganapin ngayong Setyembre 7, sa Setyembre 10, at sa Setyembre 14.
Ang Bar Exam ay hindi lang simpleng pagsusulit, isa itong kritikal na pagsubok sa mga nagnanais na maging mahuhusay na abogado sa bansa.
Vincent Gutierrez/BALITA