Saya ang hatid sa netizens ng isinagawang panayam ni Unkabogable Star Vice Ganda sa isang contestant sa “It’s Showtime” segment na “Laro Laro Pick” noong Sabado, Setyembre 6.
Tampok sa nasabing segment ang mga mahikero, barbero, barker, at working students — kung saan isa ang contestant na kinilalang si Jess.
Narito ang verbatim ng kaniyang pakikipanayam kay Vice Ganda:
Vice Ganda: Ano'ng trabaho mo?
Jess: Ako po ay CSR, sa call center po.
Vice Ganda: Ano 'yong CSR?
Jess: Call center po.
Vice Ganda: Ano ibig sabihin ng CSR?
Jess: Call [S]enter Representative po.
Jess: Oh, sorry, sorry, customer service representative. Sorry po!
VG: Customer Service Representative, so sa call center ganiyan.
Matapos nito’y tumawa naman ang ilan sa mga hosts ng nasabing show, kasama na ang “madlang people.”
Napag-alaman ding Bachelor of Science (BS) in Psychology ang kinukuhang kurso ni Jess, sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at siya ay magtatapos na rin ngayong Setyembre.
Ibinahagi naman ni Meme ang kaniyang pagsuporta sa mga working students, na sana sila raw ay makatapos at makahanap ng trabaho upang sila ay magtagumpay.
“We are rooting for you Jess. We are rooting for all the working students na matapos nila talaga ‘yong inaaral nila at makahanap sila ng trabaho, magdire-diretso ‘yong tagumpay nila,” ani Meme.
“Iyong estudyante nga lang ‘di ba, ang hirap hirap na, ‘yong working student ka pa. Sa oras pa lang, ubos na kung kailan ka mag-aaral, kung kailan ka maggagawa sa bahay, uutusan ka pa, nag-aaway pa nanay at tatay mo, jowa mo inaaway-away ka pa. Wala ka pang load, wala kang Wi-Fi, tapos ‘pag nagbukas ka ng news ang daming problema ‘di ba, tapos magtatrabaho ka pa,” aniya pa.
Matapos maibahagi sa Facebook page ng “Buhay Call Center ILOILO” ang parteng ito ng segment noong Sabado, Setyembre 6, maraming netizen ang nagpahayag ng kanilang reaksiyon at komento ukol dito.
“galing shift pa yan inaantok pa eh”
“Wala pa yang tulog”
“Cx: where are located? Rep: sea... seashore?”
“Ramdam ko si ate. Plus, OT payan plus TY pa”
“Me: L for Lima? Cx: No, L for Liar. Like someone who lied to you. Me: Ok nato, next call na.”
“Iniba na pala? HAHHAHAHAHAHAHAH”
“Nangyayari talaga yan. Lutang Minsan hahhahaa”
Ano ba ang kahulugan ng Customer Service Representative?
Ang mga Customer Service Representatives (CSR) ay ang mga “frontline employees” na direktang nakikipag-usap sa customers ng kinabibilangang kompanya. Ang madalas na ginagawa ng mga ito ay sagutin ang mga tanong ng customers, itawag sa kinauukulan ang isyu ng isang tao, o kaya naman ay sila na mismo ang rumeresolba ng problema lalo kung ito ay sakop ng kanilang trabaho.
Ang mga CSR ay kadalasang tinatawag ding call center agents.
Vincent Gutierrez/BALITA