Ginawaran ng “Natatanging Mag-aaral Award” ng Rizal Provincial Government ang isang mag-aaral mula sa Sumilang Elementary School, na napag-alamang anak ng isang kasambahay.
Ibinahagi ni Mayor Jun Ynares sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Setyembre 7, na iginawad nila kay Graziella V. Dizon ang “Natatanging Mag-aaral Award” dahil sa angkin niyang sipag at dedikasyon na makatapos.
Mababasa sa post na bunso si Graziella sa apat na magkakapatid, at ang kaniyang ina ay nagtatrabaho bilang isang kasambahay. Ang kaniyang ama naman ay hindi niya nakilala mula nang siya ay ipinanganak.
Sa tulong umano ng kitang natatanggap ng kaniyang ina, sila ay nakakaraos ngunit hindi maiwasang masaktan ni Graziella sa tuwing iisipin na ang kanilang ina ay nag-aalaga ng ibang bata, sa halip na sila. Pilit umano itong inuunawa ni Graziella sa kadahilanang ito ang paraan upang sila ay matustusan sa pang araw-araw.
Napag-alaman ding lingguhan lamang kung umuwi ang kanilang ina, kung kaya’t silang magkakapatid ay naiiwan sa kustodiya ng kanilang lola, na siyang nag-aalaga at nag-aaruga sa kanila. Rumaraket naman ang lola bilang mananahi at kahit papaano ay pandagdag na rin ang kinikita niya sa mga gastusin nila.
Ngunit dahil sa dami ng pangangailangan, madalas umano’y hindi ito sapat sa kanila, kung kaya’t ginagawa ni Graziella na tumulong na rin upang maibsan ang kanilang mga problema.
Inihahatid ni Graziella ang mga natahing damit ng kaniyang lola sa customers nito, at minsan ay nagbebenta siya ng mga ipit at polvoron gamit ang maliit na kapital.
Sa kabutihang palad, hindi naman napababayaan ni Graziella ang kaniyang pag-aaral, kung kaya’t naipapanatili niya ang kaniyang matataas na marka sa klase, upang maabot nito ang pangarap niya na maging isang guro sa hinaharap.
Dahil sa ipinamalas niyang dedikasyon at pagsusumikap, pinili ng pamahalaang lokal si Graziella bilang “Natatanging Mag-aaral Awardee” kung saan siya ay tatanggap ng ₱220,000-worth ng scholarship.
Ibinahagi rin ng Rizal LGU na patuloy na lang na ibuhos ni Graziella sa pag-aaral at sa kaniyang pamilya ang kaniyang oras, habang ang lokal na pamahalaan ay patuloy siyang tutulungan upang masuportahan ang kaniyang edukasyon.
Matatandaang isa ring “Natatanging Mag-aaral Awardee” ang ginawaran ng scholarship ng lokal na pamahalaan ng Rizal noong Agosto.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Estudyanteng nakatanggap ng P220,000-worth ng scholarship-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Anak ng kasambahay, nakatanggap ng ₱220,000 halaga ng scholarship!
Photo courtesy: Jun-Andeng Ynares (FB)