Ipinaliwanag ni Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin ang medical condition umano ni Rep. Elizaldy Co na kasalukuyang nasa United States.
Sa isang radio interview noong Biyernes, Setyembre 5, 2025, inihayag ni Garbin na naunang pumunta ng US si Co upang maghatid ng kaniyang anak at saka nagpa-extensive checkup.
"Nasa Amerika po siya. Una naghatid siya ng kaniyang anak, nag-aaral po kasi sa isang unibersidad doon. At pangalawa in time na rin sa kaniyang extensive check po sa Estados Unidos," anang mambabatas.
Paliwanag pa ni Garbin, matagal na raw may karamdaman si Co na siya na rin umanong dahilan nang pagbibitiw nito bilang chair ng Committee on Appropriations.
"When he resigned from the chair of Committee on Appropriations talagang palagi siyang nasa abroad sa kadahilnan nga na mayroon siyang heart ailment, palagi na siyang nagpapa-check up," saad ni Garbin.
Paglilinaw pa ni Garbin, wala pa raw katiyakan kung kailan makakabalik si Co ng Pilipinas matapos umanong mag-90/60 ang blood pressure niya.
"When I talked to him yesterday, sabi n'ya yung doktor n'ya found out na 90/60 [blood pressure], and the doctor said that 'We need an extensive checkup on your heart’," ani Garbin.
Dagdag pa ni Garbin, bagama't hindi pa tiyak kung kailan ang uwi ni Co, hindi raw ito nangangahulugang hindi na babalik ng bansa ang mambabatas.
"Hindi naman ho sinasabi n'yang hindi siya uuwi as of yet hindi pa natin alam kung kailan siya makakauwi," aniya.
Matatandaang noong Huwebes, Setyembre 4, nang kumpirmahin ni House Spokesperson Princess Abante na nasa Amerika si Co para umano sa isang medical treatment.
“I made an initial inquiry sa Office of the Secretary General. Sa pagkakaalam ko, he's currently out of the country… I understand na sa United States siya for medical treatment with appropriate travel documents,” saad ni Abante.
KAUGNAY NA BALITA: ‘For medical treatment?’ Rep. Elizaldy Co,kumpirmadong nasa labas ng bansa—House Spox
Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Co matapos pumutok ang isyu ng anomalya at korapsyon sa flood control project kung saan sinasabing sangkot siya sa isa sa mga kontraktor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.