December 13, 2025

Home BALITA National

‘Pera ng bayan, ilaan sa silid-aralan at 'wag sa pekeng proyekto at kalokohan’—Sen. Bam

‘Pera ng bayan, ilaan sa silid-aralan at 'wag sa pekeng proyekto at kalokohan’—Sen. Bam
Photo courtesy: Bam Aquino (FB)

Nagpahayag ng hinaing ang senador na si Sen. Bam Aquino na tiyaking napupunta ang pondo ng kaban ng bayan para sa makabuluhang proyekto, partikular sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. 

Ayon sa kaniyang naging pahayag sa Facebook noong Biyernes, Setyembre 5 binigyang-diin ng senador na karapatan ng bawat mag-aaral na Pilipino ang magkaroon ng ligtas at disenteng lugar sa kanilang pag-aaral. 

“Pera ng bayan, ilaan sa silid-aralan, hindi sa pekeng proyekto at kalokohan,” saad ng senador sa kaniyang post. 

Kasabay nito, hinimok ni Sen. Bam ang publiko na suportahan ang Senate Bill No. 121 o Classroom-Building Acceleration Program (CAO) Act na ipinapanukala niya.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Layunin umano ng panukalang batas na pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa bansa upang mabigyan ng sapat na pasilidad ang mga mag-aaral, higit sa mga pampublikong paaralan na matagal nang nakararanas ng kakulangan ng mga klasrum. 

“Gawing prayoridad ang sabay-sabay at mabilisang pagtatayo ng classroms sa tamang presyo, kasama ng mga LGUs at private sector,” ani ni Bam sa sariling komento sa kaniyang post. 

Dagdag pa niya, “[s]uportahan ang SBN 121 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, dahil karapatan ng bawat batang Pilipino ang maayos, ligtas, at disenteng lugar para matuto.”

Photo courtesy: Bam Aquino (FB)

Sinang-ayunan naman ng taumbayan ang hinaing ni Bam sa kaniyang social media.

Anila, patuloy silang maniniwala hangga’t nariyan ang nasabing senador sa pag-asang maisatupad ang batas na magbibigay ng komportableng silid-aralan para sa mga mag-aaral.

May ilan pang nagpasalamat sa senador dahil hindi umano nasayang ang kanilang boto para kay Bam.

Narito ang iang mga komento ng netizens kaugnay sa naturang post ni Bam:

“Hangga’t nandyan ka Mr. Bam Aquino, we still believe na may pag asa prin.”

“Thank you po Senator for visiting Mabalacat City, Pampanga.”

“Tama po kyo My no.1 Senator Bam Aquino SILID ARALAN pra sa kabataan. Pra po whole day na ang klase ng mga bata. Walang maiiwan.Dto po Sto tomas batangas.”

“Hindi ako ngkamali ng pagboto tlga dito.”

“Pede na mging next president.”

“Senator Bam Aquino, I hope you can also champion a bill that will provide HMO coverage for our public school teachers[...]”

“Chairs po please…”

“Sen yung bagong tayo na building sa Pacita 2 San Pedro, Laguna 1 month ng tapos gusto ng lumipat ng mga estudyante para di na naghihiraman ng room at hinahati sa pang umaga at panghapon ang schedule. Ang problema wala pa pong upuan bakit antagal mag provide ng Deped ng upuan.”

Matatandaang nagbahagi na rin ng pahayag si Sen. Bam sa kaniyang post noong Setyembre 3, 2025 sa kaniyang social media.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bam sa pondo ng flood control sa 2026: 'Kailangan maghain ng malinaw na plano ang DPWH!’

Nabanggit ng senador na buburahin nila umano ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026 kung hindi nito maayos na mailalaan at matukoy ang mga lugar na kadalasang binabaha.

 

Photo courtesy: Bam Aquino (FB)

“[...] [N]anindigan tayo na handa tayong burahin ang buong ₱270-bilyong pondo para sa flood control projects sa 2026 national budget kung hindi nito maayos na matutukoy at mailalaan sa mga lugar na tunay na binabaha,” saad noon ni Sen. Bam.

Binigyang-diin din ni Sen. Bam ang problema sa mga paaralan tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan, mabagal na internet connection, at iba pa.

Matatandaang binalaan ni Sen. Win Gatchalian ang dating kalihim ng DPWH na si dating Sec. Manuel Bonoan noong Agosto 19, 2025.

Kung saan, ilaan na lamang daw umano sa ibang sektor ang pondo na para sana sa DPWH kung hindi naman sila makabubuo ng mga proyektong iibsan ang labis na baha sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: Ililipat pondo sa DepEd? Sen. Win binalaan DPWH sa ‘ampaw’ na flood-control projects

Inilahad din ni Sen. Gatchalian noon na gumastos na ang pamahalaan ng halos ₱1.4 trilyon sa loob ng limang taon para sa flood control projects, ngunit wala umano nakikitang resulta at hindi nararamdaman ng mga Pilipino.

Mc Vincent Mirabuna/Balita