Inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang integrasyon ng “PasigPass” at sa National ID System noong Biyernes, Setyembre 5.
Sa pakikipag-ugnayan ng lungsod ng Pasig sa sa Philippine Statistics Authority (PSA), ibinahagi ng alkalde sa kaniyang Facebook post na layon ng inisyatibong ito na magkaroon ng mas mabisang serbisyo sa pamamagitan ng isang ligtas at “fraud-proof” database ng mga Pasigueño.
“Nakita natin nung pandemic kung gaano kahirap kumilos na walang maasahan na database ng residente. September 2020. Nakita ko ang contact tracing app ng Valenzuela (#ValTrace) at tinulungan nila tayong ireplicate ito. October 2020. We launched #PasigPass,” pagbabahagi ng alkalde tungkol sa motibasyon sa likod ng PasigPass system.
Kalauna’y ginamit din ng lungsod ang kanilang mga QR code sa ilan pang serbisyo tulad ng kanilang “Pamaskong Handog.”
“Pero alam din naman natin ang reyalidad: may iilan na HINDI HONEST. Nag-iimbento ng pangalan, pinepeke ang address. Kaya naghanap tayo ng "FRAUD-PROOF SOLUTION" at ito na po siya ngayon,” dagdag ni Sotto.
Ibinahagi niyang sa pamamagitan ng inisyatibong ito, masisiguradong authentic o totoo ang mga PasigPass account dahil sa National ID authentication at “buhay ka ba talaga” test.
“Clean database. (Ibig sabihin, mas gaganda ang serbisyo para sa mga totoong Pasigueño dahil mababawasan ang tumatanggap na nanloloko lang.),” saad niya.
Ayon rin kay Sotto, ang inisyatibong ito ay malaking hakbang sa pagkakaroon ng “efficient data-governance” sa lungsod.
“Ang malinis na PasigPass data ay magagamit din kasama ng iba pang inisiyatiba tungo sa isang #SmartCity,” aniya pa.
Sa nasabing post, nag-abiso din ang alkalde sa mga Pasigueño na bisitahin ang Pasig City Public Information Office (PIO) kung wala pa silang National ID o nahihirapang pumasok sa PasigPass, para makita ang iba pang detalye at announcement.
Sean Antonio/BALITA