December 14, 2025

Home SHOWBIZ Relasyon at Hiwalayan

Para maka-move on? Gitara nina Jason at Moira noon, ibinenta kay Boss Toyo

Para maka-move on? Gitara nina Jason at Moira noon, ibinenta kay Boss Toyo
Photo courtesy: Boss Toyo Production (YT), Jason Marvin (FB)

Napabisita sa social media personality na si Boss Toyo ang singer-songwriter at composer na si Jason Marvin Hernandez upang ibenta ang gitara niya sa Pinoy Pawnstars Inc. 

Ayon sa inilabas ng Pinoy Pawnstars sa kanilang Youtube channel noong Biyernes, Setyembre 5, makikita si Jason Marvin na dala-dala ang kaniyang gitarang Martin Road Series.  

Sey ni Jason, nabili raw nila ng singer, songwriter, at ex-wife niyang si Moira Dela Torre ang gitara noong pumunta sila sa Amerika noong 2017. 

Inurirat naman siya ni Boss Toyo kung bakit gusto niyang ibenta ang naturang gitara. 

Relasyon at Hiwalayan

‘Totoo na!’ Kiray Celis, kinasal na!

“So bakit mo ‘to binebenta? Ilang taon na ba kayo ni Moira ngayon?” pagkakamali pang naitanong ni Boss Toyo dahil hindi niya umano alam na hiwalay na sila Jason at Moira. 

Ayon naman sa dahilan ni Jason sa pagbebenta ng gitara, gusto na umano niyang mag-move on kay Moira at makasama na rin sa museum ni Boss Toyo ang mahalagang gitara niya dahil ito ang ginamit nila ni Moira noon sa pagbuo ng mga naging hit songs nila.

“Number one, it’s time to move on,[...]” ayon kay Jason.

Pagpapatuloy pa niya, “[g]usto ko siyang makasama dito sa museum [ng Pinoy Pawnstar]. Syempre ‘yong mga songs na nanggaling sa gitara na ‘to, became a big part of the life of Filipinos din. Especially sa generation namin.

“Saka lahat ng mga nasaktan, ito ‘yong [pinagmulan ng] ultimate hugot nila. ‘Yong pinakatatlong main na songs na nanggaling dito is Paubaya, Ikaw at Ako, at ‘yong Tagpuan,” pagpapaliwanag ni Jason

Tinanong naman ni Boss Toyo si Jason kung magkano ang maibibigay niyang presyo sa pagbebenta ng gitara sa kaniya. 

Saad ni Jason, dahil umano nakabuo ng mga mahahalagang kanta ang nasabing gitara, gusto niyang maibenta ito sa halagang tatlong (3) milyon. 

“Kasi dati, naging song of the year, Awit awards [at] most streamed. So iniisip ko, three (3) million para for each,” anang Jason. 

Nabigatan naman si Boss Toyo sa presyong ibinigay ni Jason. 

“Bigat[...]” naisaad na lang ni Boss Toyo. 

Ibinaba naman ni Jason ang presyo ng gitara sa isang (1) milyon ngunit inihayag ni Boss Toyo na maaari niya itong bilhin sa halagang ₱450,000 at pumayag naman kalaunan si Jason. 

Matapos ang negosasyon, humiling si Boss Toyo ng isang kanta kay Jason at kinanta niya ang kaniyang sariling compose na Ako Na Lang.

Sa huli, sinabi ni Jason na espesyal ang binenta niyang gitara dahil ito umano ang ginamit nila ni Moira sa pagbubuo ng mga kantang tumatak at nanakit sa maraming tao.

“‘Yang gitara na yan kasi [ay] very special siya sa akin. Kasi siya ‘yong ginamit ko na gitara to write ‘yong mga majority ng hits [song] na inilabas namin [ni Moira]. 

“Nandyan ‘yong Paubaya, Tagpuan, Ikaw at Ako, Kumpas, Babalik Sa ’yo, Patawad Paalam, Kita na Kita, Oras, Ako Na Lang,” pagtatapos ni Jason. 

Samantala, nabanggit naman ni Jason sa gitna ng kanilang negosasyon ni Boss Toyo na alam rin ni Moira na ibebenta niya ang gitara. 

Wala namang sey si Moira mula sa kaniyang mga social media accounts sa pagbebenta ng gitara ni Jason sa Pinoy Pawnstars. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita