Naaresto ng pulisya ang isang lalaking nagbigay ng kondisyon bago magbalik ng napulot niyang cellphone sa babaeng may-ari nito.
Ayon sa Catbalogan Police, naiulat na nawala ang cellphone ng biktima noong Agosto 16, 2025. Nagawa raw siyang ma-contact ng suspek sa pamamagitan ng social media kung saan nag-alok muna ito na makipagtalik sa kaniya ang biktima bago niya isauli ang cellphone.
Ayon pa sa mga awtoridad, positibong natukoy ang suspek na isang 19 taong gulang na grade 12 student habang ang biktima ay estudyante rin.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon na nagawa munang humingi ng tulong ng biktima sa kaniyang mga kaibigan bago kumagat sa nais ng suspek.
Nakipagkasundo raw ang biktima na kitain ang suspek kung saan niresbakan ito ng kaniyang mga kaibigan at saka tumawag ng mga nakarondang pulis sa lugar.
"The arresting police officer informed the suspect of the cause of his arrest as well as his constitutional rights under the Miranda Doctrine. The suspect was then escorted to Catbalogan CPS together with the victim and the arresting witness for proper documentation and disposition," anang Catbalogan City Police.
Nahaharap ang suspek sa kasong theft at grave threat.