Posible umanong hindi alam ng isang alkalde ang anomalya sa likod ng flood control projects sa kaniyang lugar na pinamumunuan, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa latest episode ng “KC After Hours” nitong Sabado, Setyembre 6, naungkat ang batikos na natanggap ni Belmonte kamakailan dahil sa kawalan niya ng muwang sa naturang proyekto.
“Posible ba talaga ‘yon? Na ang isang mayor ng lungsod ay hindi alam lahat ng mga proyektong nangyayari sa kaniyang bakuran?” usisa ng batikang broadcast-journalist na si Karmina Constantino.
“Yes, posible,” sagot ni Belmonte. “Kaya ‘yan ang dahilan kung bakit nag-pass kami ng ordinance noong 2020. And it’s actually based on a provisions already in the local government code. Na kailangan talaga ng coordination ng national sa local [government].”
“So, dahil may ordinansa kami at mayroon pa kaming tinatawag na Infrastructure Committee meeting—na member ang DPWH [Department of Public Works and Highway]—and this is held twice a month, the assumption is they really telling us the different projects that they’re implementing in the city,” wika niya.
Dagdag pa ng alkalde, “So there was the assumption of regularity kasi mayro’n kaming ordinansa. And talaga namang kino-coordinate namin ‘yong iba. Pero hindi naman namin alam na marami pala silang hindi kino-coordinate. Siyempre, ‘pag hindi mo alam, hindi mo hinahanap.”
Kaya matapos ito ay bumuo si Belmonte ng grupo at umapela sa mamamayan ng Quezon City na iulat ang mga flood control projects na nasa kani-kanilang komunidad. Ayon sa alkalde, umabot sa 254 ang flood control projects sa kaniyang lungsod na nasasakupan.
Matatandaang nasasangkot ang DPWH sa anomalya ng flood control projects. Batay sa isiniwalat ng dating kalihim nitong si Sec. Manuel Bonoan, ghost projects umano ang ilan sa mga proyektong ito na ipinagkaloob sa Wawao Builders, Inc sa Bulacan.
Ayon kay Bonoan, umabot umano sa ₱5.9 bilyon ang halaga ng kontratang ibinigay sa Wawao.
“In Bulacan alone, Wawao Builders had 85 projects amounting to 5.9 billion [...] There seems to be some ghost projects,” anang kalihim.
Kinumpirma naman ito ni DPWH Usec. for Planning Services Maria Catalina Cabral sa ikalawang pagdinig matapos siyang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada tungkol dito.
Maki-Balita: Opisyal ng DPWH, umamin sa ghost projects ng ahensya