Naghayag ng sentimyento ang award-winning actor na si John Arcilla sa gitna ng talamak na isyu ng korupsiyon sa Pilipinas.
Sa latest Facebook post ni John noong Biyernes, Setyembre 5, napatanong siya sa mga taong ayaw umaming korap ang kanilang ibinoto.
“Haaay Pilipinas…Bakit ba hiyang hiya tayong UMAMIN at magbago ng isip pag nadiskubre natin na CORRUPT pala ang mga napili nating opisyal? PANININDIGAN na lang natin at sasabihin PARE PAREHO lang naman sila dahil ayaw lang natin MAGBABA ng pride,” saad ni John.
Dagdag pa niya, “Mayroon hong maaayos na mga Opisyal ayaw lang natin tanggapin na nagkamali tayo, dahil hanggang ngayon mas madalas ay PANATIKO tayo, mahilig sa Idol at nabibili ang boto. Saglit na Cash habang buhay na paghihirap.”
Kaya naman hangga’t hindi marunong tumanggap ng pagkakamali ang mga Pilipino na mali ang kanilang mga kandidatong ibinoto, mananatili umanong mahirap ang buhay ng marami tulad ng nasa AI generated video na ibinahagi niya.
“Hanggat ganyan tayo, mananatiling ganyan din sa video na ito ang buhay natin. HINDI Ba’t sila ang dapat mahiya sa atin? Dahil BUWIS ng mamamayan, PERA natin ang NILULUSTAY nila,” anang aktor.
Tampok sa nasabing video ang isang lalaking hirap maipagamot ang asawa niyang may-sakit na namatay kalaunan dahil sa kawalan ng perang pantustos.