Muling nagpahaging sa kaniyang Facebook post ang batikang broadcast journalist na si Atom Araullo patungkol sa umano'y panawagang maging mahinahon ang bitbit na galit ng taumbayan.
Sa kaniyang FB post nitong Sabado, Setyembre 6, 2025, iginiit ni Atom na bagama't nauunawaan niya raw ang panawagang huminahon ang mamamayan, ay mas nauunawaan naman daw niya ang galit ng mga ito.
"Performative outrage mula sa mga trapo. Righteous anger mula sa mamamayan. Gets ko ang panawagang huminahon. Pero mas naiintindihan ko ang galit ng mga matagal nang ginagago," ani Atom.
Saad pa niya, tila paulit-ulit na lang kasi ang palabas at pawang ang kinatatakutan lamang daw ng mga nasa posisyon ay ang ingay ng taumbayan.
"Paulit-ulit na lang kasi ang palabas. Ang kinatatakutan lang ng mga nasa taas? Yung ingay mula sa baba," saad niya.
Samantala, bagama't walang direktang isyu na pinangalanan, inugnay naman ng netizens ang isyu sa ngayo'y mainit na pinag-uusapan sa anomalya at korapsyon ng flood control projects.
"Dapat nakakulong na 'yang mga 'yan imbes na mga raliyista pa ang nakaambang mauna sa kulungan."
"Aanudin na ulit tayo ng baha, pero sila hindi pa rin napapanagot."
"Ang lagay eh parang kasalanan pa ng bayan kung magagalit sila sa mga mandarambong."
"Never let this issue die!"
"Isama na rin ang galit sa mga panatiko!"
"Public attention ang malakas na panlaban sa korapsyon."
Matatandaang matapos gumawa ng ingay ang magkakasunod na kilos-protesta sa harapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Kamara at opisina ng kontraktor na St. Gerrard- ay ang banta ng mga awtoridad na pag-aresto umano sa mga demonstrador.
KAUGNAY NA BALITA: Kuda ng netizens: Mga raliyista, mauuna pang arestuhin kaysa sa mga korap?
KAUGNAY NA BALITA: Pulisya, pinag-aaralan kasong isasampa sa mga raliyistang nambato, nag-vandalize sa St. Gerrard
Samantala, bago nito, may nauna na ring banat si Atom nitong Sabado ng umaga, kung saan mababasa ang patutsadang "Investigating themselves again? Groundbreaking."
KAUGNAY NA BALITA: Pasaring ni Atom Araullo: 'Investigating themselves again? Groundbreaking!'