Matapos mamaalam sa US Open ‘25 kamakailan, kasunod na kinalampag ngayon ng 20-anyos na Filipino professional tennis player na si Alex Eala ang Guadalajara 125 Open.
Matagumpay na sinelyuhan ni Eala ang pagkakataong makuha ang gintong medalya sa torneo sa Mexico matapos ang naging laban niya nitong madaling-araw ng Sabado, Setyembre 6 (oras sa Pilipinas) sa semifinals ng Guadalajara 125 Open kontra kay Kayla Day ng USA.
Sa mga set score na 6-2 at 6-3, tuluyang nilampaso ng pambato ng Pilipinas ang kasalukuyang 418 sa world rank ng Women Tennis Association (WTA) na si Day.
Sa arangkada ng semifinals sa pagitan nina Eala at Day, unang nakalamang ng dalawang set ang banyagang kalaban sa pambato ng Pilipinas.
Ngunit matinding bawi ang ginawa ni Eala nang talunin niyang tuloy-tuloy ang sumunod na anim na laro nila ni Day dahilan para matapos ang set score ng unang laban ng dalawa sa 6-2.
Sa sumunod na naging laban ni Eala at Day, unang nakalamang ng dalawang set si Eala kontra sa kalaban.
Ngunit nakabawi naman si Day sa dalawa pa nilang laro para ipantay ang set score ng kanilang laban sa 2-2.
Kasunod nito, mas nanaig ang lakas ni Eala sa mga sumunod na tatlong laro bago pa makabawi ng isang panalo ang kalaban.
Samantala, hindi na pinamayagan pa ng pambato ng Pilipinas na muling makabawi ang 25-anyos niyang katunggali dahilan para mauwi ang score set sa 6-3.
Magkakaroon ng tiyansa si Eala na masungkit ang gintong medalya sa torneo kontra sa kasalukuyang world no. 134 na si Panna Udvardy of Hungary.
Ngunit bago pa man ang naging tagumpay ni Eala kontra kay Day, nauna na niyang talunin ang mga manlalarong sina Arianne Hartono (Netherlands), Varvara Lepchenko (USA), at Nicole Fossa Huergo (Italy).
Wala pang opisyal na anunsyo mula sa pamunuan ng Guadalajara 125 Open kung kailan magaganap ang finals.
KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, nagpasalamat at nangakong babalik nang mas malakas para sa fans
Mc Vincent Mirabuna/Balita