December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang deepfake technology at paano ito kikilatisin?

ALAMIN: Ano ang deepfake technology at paano ito kikilatisin?
Photo courtesy: Senator Risa Hontiveros (FB), Unsplash

Inimbestigahan sa senado ang mga naging karanasan ng aktres na si Angel Aquino at social media personality na si Queen Hera sa “deepfake pornography” kamakailan. 

Sa Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinangunahan ni Sen. Risa Hontiveros noong Huwebes, Setyembre 4, unang nagbahagi si Queen Hera ng kaniyang personal na karanasan, kung saan, ginamit ang larawan ng kaniyang anak sa paggamit ng deepfake photos at ipinost sa dark web. 

“As a mother, sobrang heartbreaking no’n para sa akin. I felt helpless at that time, and knowing na parang wala nang safe kahit sa online, kahit na sobrang inosente ng post mo. Hindi natin alam kung ano ang intensyon nila,” aniya. 

Ipinahayag naman ni Angel na ginamit ang kaniyang mukha sa paggawa ng mga malalaswang video gamit din ang deepfake video. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

“It was dehumanizing, it was [a] digital assault,” saad niya. 

“This is the new frontier of violence against women. We are now living in an AI (Artificial Intelligence)-generated, deepfake era of sexual assault and violation,” dagdag niya pa. 

Sa talumpati rin ni Angel, pinanawagan nito na mahalagang makipagsabayan ang mga batas ng bansa sa patuloy na pag-usad ng teknolohiya bilang proteksiyon hindi lamang sa mga kababaihan, kung hindi maging sa mga kabataan, at iba pang pribadong indibidwal. 

Bilang aksyon, isa sa mga binanggit ni Hontiveros ang pagpapaigting sa senado ng Expanded Safe Spaces Act, na isang panukala na naglalayong ireporma ang Republic Act (RA) No. 11313 o kilala rin bilang Safe Spaces Act, bilang proteksyon sa online sexual-harassment sa pamamayagpag ng AI at iba pang umuusbong na aplikasyon ng teknolohiya. 

KAUGNAY NA BALITA:  Angel Aquino, Queen Hera umapelang aksyunan deepfake pornography

Ano nga ba ang deepfake technology at paano makikilatis ang isang content na gumagamit nito? 

Ayon sa pag-aaral ng techtarget.com, ang deepfake technology ay isang uri ng AI na ginagamit para makagawa ng makatotohanang kontent gamit ang mga pekeng imahe, video, at audio recording. 

Sa dagdag na pag-aaral ng Government Accountability Office (GAO), ang deepfake ay may kakayahang palitan ang makikita online, maging ang pagmamanipula ng facial expressions at mga salita, at kadalasang ginagamit sa pagsasamantala. 

Paano ito ginagawa? 

Ang deepfake ay kadalasang ginagawa sa “pagpapakain” ng mga imahe o video sa artificial neural networks (ANN), isang “biologically inspired” computing system na programmed para gayahin ang paraan ng pagpoproseso ng impormasyon sa utak ng isang tao, ayon sa Journal of Pharmaceutical and Biomedical Analysis.

Kung saan, ang programa ay tine-train para maghahanap at magbago ng mga pattern alinsunod sa mga mukhang nakikita sa imahe o video. 

Paano makikilatis ang isang deepfake content? 

Dahil sa patuloy na pag-usad ng teknolohiya, “realistic” na kung maituturing ang karamihan ng contents sa social media. 

Gayunpaman, sa pagkakaroon ng kaalaman, maaari pa ring malaman ang pagkakaiba ng peke sa totoong mga impormasyon at pangyayari na pinapakita online. 

Kung kaya’t ito ang ilan sa mga paraan para makilatis ang isang deepfake content:

- Sa deepfake, kadalasa’y may mga parte ng katawan ang hindi natural na nakabaluktot. 

- Maaari ring i-check ang mga anino at lighting na nasa maling lugar dahil hindi pa lubusang nakukuha ng AI ang natural physics sa likod nito, ayon sa pag-aaral ng Massachusetts Institute of Technology (MIT) Lab. 

- Pagmasdan ang galaw ng labi, dahil ang ibang deepfake content ay naka-base sa lip syncing. 

- Pansinin din kung tugma ang facial expression sa tono ng sinasabi.

- Ang deep-fake ay maaari ding ma-detect sa pamamagitan ng kamay, kung kaya’t i-check kung tama ba ang bilang ng mga daliri at tugma sa na-feature na tao sa imahe o video ang laki ng kamay. 

- Ang deepfake rin ay maaaring magdagdag o magbawas ng ilang facial hair katulad ng bigote at sideburn, kung kaya’t kadalasa’y hindi natural ang labas ng isang tao sa isang imahe o video sa isang deepfake content.

- Ang mga account na naga-upload ng deepfake content ay kadalasang gumagamit ng messaging applications para makapag-scam sa pamamagitan ng paghingi ng pera o sensitibong impormasyon. 

Sean Antonio/BALITA