Pinalago ng isang 23-anyos na entrepreneur ang kaniyang ₱ 3,000 na kapital para makaipon at makapagbukas ng ukay-ukay, na sinundan din ng sariling footwear business.
Mula sa kaniyang degree program na Information Technology (IT), dumiskarte si Gabriel Dela Peña sa pagbubukas ng ukay-ukay, kung saan mula sa kaniyang puhunang ₱ 3,000, ngayo’y kilala na ang kaniyang ukay-ukay brand na “Snazzy Manila” sa loob at labas ng bansa.
“Naging rider po ako ng pinsan ko sa business niya, pandemic po ‘yon,” pagbabahagi ni Dela Peña kung saan siya natuto ng konsepto sa pagnenegosyo.
Dagdag din niya na isang housewife ang kaniyang ina, at ang ama naman ay dating seaman bago pumanaw noong taong 2017.
“Sinanay po ako ng magulang ko na hindi ko makukuha agad-agad lahat, ‘kung may gusto ka pag-iipunan mo,’ so nasanay akong lahat ng gusto kong bilhin, pag-iipunan ko,” aniya.
Bagama’t hindi naging mabenta ang kaniyang mga panimulang panindang jacket sa mga unang buwan, lumipat si Dela Peña sa pagbebenta ng mga pantalon, kung saan umabot ng ₱ 45,000 ang kaniyang benta.
Sa pag-usbong ng kaniyang ukay brand na “Snazzy Manila,” sinundan ito ni Dela Peña ng pagtatayo ng kaniyang sariling footwear brand na “Strides Manila.”
“Connected pa rin po siya sa Snazzy, sa mga pants. One time nagbenta kami ng trouser, so inisip ko, bibili ako ng loafers. Eh may kaunting ipon kami, [naisip ko], ‘gawa na lang kaya tayo ng sariling brand? Susuotin ko pa kapag nag-post ako ng pantalon,’” pagbabahagi ni Dela Peña sa pagsisimula ng “Strides Manila” kasama ang kaniyang partner.
Ibinahagi din niyang ₱ 30,000 ang kaniyang naging kapital para sa mga sapatos, na kaniyang inipon sa alkansya at ilalaan dapat para sa pangarap na sasakyan.
At sa kasalukuyan, 5,000 na pares na ng sapatos ang naibebenta ni Dela Peña mula ng itinayo ang “Strides Manila” noong taong 2023.
Ngunit bilang bata at pausbong pa lamang na negosyante, hinahangad din ni Dela Peña na magkaroon ng business mentor para mas mapalago pa ang pagpapalakad sa mga negosyo.
Nang tanungin kung ano ang kaniyang naging “biggest mistake” na nagsilbing aral sa kaniya, ibinahagi ni Dela Peña na ito ay ang pagtingin at pagkukumpara ng sarili sa iba.
“Kakakumpara mo, mas babagal ka. Dapat nasa isang daan ka lang talaga, isang direksyon lang para tuloy-tuloy lang,” aniya.
At bilang advice sa mga kapwa batang negosyante, pinayo niyang magkaroon ng lakas ng loob na ilabas ang mga ideya sa pagnenegosyo.
“Kung may naiisip po kayo na gusto niyong itinda, try niyo lang po. Wag po kayong magdadalawang-isip basta gusto niyo po at masaya po kayo sa ginagawa niyo,” saad niya.
“Wag niyo rin iisipin agad ‘yong kumita ng pera kasi kapag ikaw ‘yong habol ng habol don, ‘yon ‘yong lalayo,” dagdag niya pa.
Sean Antonio/BALITA