Hindi napigilan ni Senador Raffy Tulfo na magalit sa ilang kawani ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa hindi maayos na pag-iinspeksyon sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.
Pinasaringan ni Sen. Raffy ang mga field inspector na kawani ng DOLE sa kaniyang privilege speech sa pagdinig ng Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa Senado noong Huwebes, Setyembre 4.
Hinamon ni Sen. Raffy si DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma na magbigay ng listahan ng mga kawani nila sa ahensya na hindi nagtatrabaho umano nang maayos para bantayan ang mga manggagawa sa CAMANAVA at Metro Manila.
“Give me a list of your people sa CAMANAVA at dito sa Metro Manila. The list of field inspectors at kung kailan sila nag-inspect at kung ano ang nangyari doon sa kanilang ginawang inspection,” paghahamon ng senador.
Sa pagpapatuloy ni Sen. Raffy, nagbanta siyang gusto niyang masibak umano ang mga field inspector ng DOLE na mapapatunayang hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang trabaho.
“At kapag nakita ko na tamad sila o wala silang ginawa sa kanilang inspection o dinoktor nila, I want their heads. Sibakin,” anang senador.
Hindi napigilan ng senador ang bugso ng kaniyang damdamin at nakapagsabi ng hindi kaaya-ayang salita sa loob ng pagdinig.
“Puny*ta. L*nt*k na mga ‘yan,” ani ni Sen. Raffy.
Paliwanag ni Sen. Raffy, hindi naman umano magrereklamo ang mga manggagawa sa tanggapan niya kung hindi naaapi ang mga ito ng mga employer nila at ng mga taga-DOLE umano mismo.
“Sec. Laguesma, I challenge you, ide-defer ko ang budget ninyo kapag hindi [kang] napakita sa akin [o] ‘pag walang nasibak. Gusto kong may masibak diyan sa DOLE dahil hindi naman magrereklamo sa akin ang ‘yong mga manggagawa kung hindi naman sila naapi. Naapi sila noong kanilang mga employer at naapi pa rin sila ng mga taga DOLE,” paggigiit ng senador.
Aniya, kung ginagawa lamang raw umano ng nasabing ahensya ang trabaho nito, masosolusyunan agad nila ang hinaing ng mga manggagawang Pilipino.
“Because if DOLE just been doing their job, hindi na dapat sila magreklamo [manggagawa]. Nasapol na agad ng mga field inspector ng DOLE na ‘hoy kayong company A, hindi kayo nagpapasuweldo nang maayos, napakinit dito, madulast, etc.,” paghahalimbawa ni Tulfo.
Inulit pa muli ni Sen. Raffy ang pangagakong ililiban niya ang budget na nakalaan sa DOLE kung hindi agad maaaksyunan ang usapin na inilahad niya.
“Bakit hindi? It’s either hindi nila ginagawa ang trabaho nila o corrupt sila. So gusto ko ay may masibak. ‘Pag hindi, ide-defer ko ang budget ninyo. I promise,” ayon kay Sen. Raffy.
Samantala, sumang-ayon naman si Sec. Laguesma at ipinangakong magpapadala ng personal na kawani ng DOLE sa tanggapan nila Tulfo upang ibigay ang listahang kaniyang hinihingi.
Kaugnay ng privilege speech ng senador ang pagdulog sa pagdinig ng Senado na maipantay ang minimum wage na suweldo ng mga manggagawang Pilipino sa probinsya at Metro Manila.
Mc Vincent Mirabuna/Balita