Ibinida ni Senadora Risa Hontiveros ang kaniyang mga panukalang batas na makatutulong sa mga kaguruan sa bansa, alinsunod sa simula ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month ngayong Biyernes, Setyembre 5.
Mababasa sa Facebook post ng senadora, ang kaniyang mga panukalang magbibigay-serbisyo sa mga guro, na araw-araw ang kanilang serbisyo kung kaya’t dapat na umayos ang mga buhay nila.
“Ang mga guro natin, araw-araw nagbubuhos ng oras, pagod, at pagmamahal para sa ating kabataan. Kaya bilang pasasalamat sa kanila, gusto kong mabigyan sila ng umento sa sahod para naman mas guminhawa ang buhay nila,” ani Hontiveros.
Isinusulong ng senadora ang Senate Bill No. 211, o ang “Dagdag Sahod for Public Basic Education Teachers and Employees Act."
Ang panukalang ito ay maglalayong bigyan ng karagdagang P15,000 ang buwanang sahod ng mga guro at empleyado sa public basic education.
Isa pa sa mga panukalang batas ni Sen. Risa ay ang Senate Bill No. 575, o ang “Healthy Buhay at Hanapbuhay Para sa Guro Act,” kung saan ang mga pampubliko at pampribadong guro ay magkakaroon ng hospital at healthcare benefits, kasama ang kanilang mapipiling dependents.
Umani naman ng samu’t saring reaksiyon at komento ang nasabing post ng mambabatas.
“Maraming Guro Ang matutuwa nito”
“Salamat po for pushing this SeRi. Sana po paburan”
“Sana po matuloy agad. Nakakasawa na po sistema sa Pinas. Kaya madaming kaguruan nag ibang bansa..”
“Sana Hindi lang ito sa Papel, Sana pati sa reyalidad”
“Yes, po ma'am lalo na sa mga remote area.”
Ilan pang mga komento ang nagpapahayag na sana ay maisabatas na ang mga nasabing panukala dahil ito ay lubos na makatutulong sa mga guro sa bansa.
Vincent Gutierrez/BALITA