Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. PMGen. Anthony Aberin na pinag-aaralan na nila ang posibilidad na kasuhan ang mga raliyistang sumugod sa St. Gerrard Construction noong Huwebes, Setyembre 4, 2025.
Sa pagharap ni Aberin sa media nitong Biyernes, Setyembre 5, 2025, iginiit niyang nakikipag-ugnayan na raw sila sa mga Discaya hinggil sa pagsasampa ng kaso sa mga demonstrador.
“Identified po yung mga grupo at leaders and we are preparing the necessary charges against them in coordination po doon sa panilya Discaya,” saad ni Aberin.
Nilinaw din ni Aberin na hindi raw nila hinayaan ang mga raliyista noong Huwebes, giit niya, hindi lang daw nila inabutan ang mga ito.
“Actually po, hindi po natin sila hinayaan doon, hindi po natin sila inabutan. And siguro kung inabutan po natin sila, aarestuhin po natin sila. At yun nga po, nakakalungkot, yung sinabi ko kanina, hindi po natin sila inabutan kaya hindi po tayo nakapag-aresto,” ani Aberin.
Ayon pa kay Aberin, ipinatutupad na raw ng NCRPO ang maximum tolerance sa buong Metro Manila kasunod ng kabi-kabilang kilos-protestang ikinakasa kaugnay ng isyu sa korapsyon sa flood control project.
Samantala, kasunod ng naturang rally sa harapan ng St. Gerrard, nauna nang iginiit ng abogado ng mga Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III, na magsasampa ang mga ito ng kaukulang criminal case laban sa mga raliyista.
"Fa-file-lan po namin yung organizer ng criminal case," saad ni Samaniego.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pumalag!' Mga Discaya, kakasuhan organizer ng kilos-protestang sumugod sa St. Gerrard
Kabilang sa environmental group ng naturang rally ay ang grupong Kalikasan kasama rin ang iba pang mga indibidwal na may mga dalang bato at putik na itinapon nila sa gate at harapan ng St. Gerrard Construction. Ito raw pagpapakita nila ng kanilang galit at panawagang mapanagot ang mga Discaya sa umano'y kinasasangkutan nitong anomalya sa flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang grupo, pinagbabato ng putik ang gate ng construction compound ng mga Discaya