Ibinunyag ni Deputy Minority Leader Perci Cendaña na “gold medalist” umano ang Pilipinas pagdating sa HIV cases.
Inihayag ito ni Cendaña sa ginanap na budget briefing ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Setyembre 4, sa House of Representatives (HOR).
"Wala na po siguro pang mas opportune time to do this than this time, because all of us know na 'yong Pilipinas po sa ngayon gold medalist pagdating sa HIV incidents ng mga 25 years old and below sa buong Western Pacific,” ani Cendaña.
KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas, nangunguna sa buong mundo sa may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV-Balita
“In fact, galing na rin po mismo sa atin pong secretary, ang pinakabatang na-diagnose ay isang 12-year-old mula sa Palawan,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: HIV cases sa mga kabataan, tumaas ng 500%; pinakabata, 12-anyos!-Balita
Bilang tugon, ibinahagi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa ang estado at kaso ng Human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas. Aniya, naitala sa bansa ngayong taon ang pinakamalaking “outbreak” ng HIV.
“We have the largest outbreak of new cases of HIV. There's 57 cases of HIV a day. Thirty percent of those are actually below the age of 18, bata. So, this is really a big problem if we are not able to stop this epidemic,” ani Herbosa.
Sinilip naman ni Cendaña kung nasaan ang ₱16 bilyong kinakailangan upang tugunan ang umano’y youth epidemic sa bansa, na naaayon sa AIDS Medium Term Plan (AMTP).
“Kapag binangga po natin ito sa isang dokumentong kabisado-kabisado namin ang mga advocates, yung AMTP o AIDS Medium Term Plan, kailangan po natin ng ₱16 bilyon for 2026… And where will we find itong ₱16 bilyon na kailangan dapat to respond to this crisis, to this youth epidemic na kinakaharap po natin ngayon?” pagtatanong niya.
Tumugon naman ang kalihim na ito raw ay nakapaloob na sa budget na mayroon ang PhilHealth.
“Ang budget po ng ARVs and testing, ARVs, anti-retrovirals, for people that are tested positive ay nasa PhilHealth… So hindi siya lumalabas at hindi n’yo makahanap sa NEP kasi it is a benefit package of PhilHealth,” aniya.
Ipinaliwanag naman ni Cendaña na kung ito’y hindi mapondohan, maaaring lumala ang mga kaso ng HIV sa bansa.
“Pag sinabi po natin ng Public Health, emergency at priority, the most concrete expression of an administration's priority ay yung kaniya pong budget. At kapag walang pondo, hindi matutugunan at kapag hindi natugunan, patuloy pong lalala itong epidemyang ito sa ating bansa,” ani Cendaña.
Pinayuhan naman ng deputy minority leader na magsumite nang malinaw na “accounting” ang kagawaran bago sumapit ang susunod na round ng budget briefing.
Ipinagmalaki naman ng DOH na noong 2024, mayroong direktang access sa “Antiretroviral Therapy” ang halos 91,769 na mga Pilipinong namumuhay na may HIV.
Vincent Gutierrez/BALITA