May payo si Pasig City police chief Col. Hendrix Mangaldan sa mga magpo-protesta pa sa harap ng St. Gerrard Construction, na pagmamay-ari ng mga Discaya.
"Let us maintain, of course, our maximum tolerance. Nakikita naman po natin na itong na isyu is being already heard by our Senate, our Congress," ani Mangaldan sa mga mamamahayag nitong Biyernes, Setyembre 5, matapos ang isinagawang kilos-protesta ng Akbayan partylist at iba pang civil society groups.
Ipinanawagan ng mga raliyista na dapat panagutin ang mga Discaya, pati na rin ang iba pang mga kontraktor, public officials, at politikong sangkot sa umano'y korapsyon sa flood control projects.
"Huwag na po nating dagdagan 'yong mga possible na situations na puwedeng mag-escalate," dagdag pa ni Mangaldan.
Sinabi rin ng hepe ng Pasig Police na "peaceful" ang isinagawang kilos-protesta nitong Biyernes kumpara sa nangyaring kilos-protesta ng isang disaster survivor and environment group.
Kung saan nagkumpol sa tapat ng construction compound ang mga miyembro ng nasabing grupo, kung saan dito ay pinagbabato nila ng putik ang gate.
Dito rin ay sumisigaw ang mga ito ng mga katagang, “Discaya, ikulong! Kurakot panagutin,” at “Discaya, magnanakaw.”
Maki-Balita: Ilang grupo, pinagbabato ng putik ang gate ng construction compound ng mga Discaya
Kaugnay sa karahasang nangyari sa rally noong Setyembre 4, nagbigay-pahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto.
"I understand that we are angry and frustrated, but let's not resort to violence or acts that could potentially lead to violence or injuries," anang alkalde. "Hindi naman yung mga corrupt ang masasaktan pag bumigay ang gate, hindi rin sila ang matatamaan ng bato."
Maki-Balita: Vico Sotto sa mga nagprotesta sa mga Discaya: 'Let's not resort to violence'