Umani ng samu’t saring mga reaksiyon at komento mula sa netizens ang mga ikinasang demonstrasyon ng ilang grupo upang ipanawagan ang paniningil umano sa anomalya sa flood control project.
Sa nakalipas na mahigit 24 oras, tatlong demonstrasyon ang nangyari na gumawa ng ingay, hindi lamang sa lansangan, kundi pati na rin sa social media.
Noong Huwebes, Setyembre 4, 2025, ginulat ng mga raliyista ang magkasunod ngunit magkahiwalay na kilos-protestang ikinasa upang kalampagin ang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Maynila at opisina ng isa mga top contactor ng flood control projects na St. Gerrard Construction sa Pasig City.
Ang nasabing mga kilos-protesta, nauwi sa pamamato sa kani-kanilang mga tanggapan.
Habang nitong Biyernes, Setyembre 5, ilang grupo din ng mga demonstrador ang nagtipon sa harapan ng House of Representatives na nauwi sa marahas na kilos-protesta matapos magkagirian ang hanay ng raliyista at awtoridad.
Malinaw naging tugon ng pulisya—maximum tolerance sa buong Metro Manila at nakatakdang makasuhan at hulihin ang mga raliyistang nambato sa St. Gerrard at sa kanilang hanay.
KAUGNAY NA BALITA: Pulisya, pinag-aaralan kasong isasampa sa mga raliyistang nambato, nag-vandalize sa St. Gerrard
Bunsod, nito, ilang netizens ang nagpahayag ng tila pagkadismaya sa mga awtoridad at iginiit na mukhang mauuna pa raw na maareso ang mga raliyista kaysa sa mga tunay na may sala sa isyu ng flood control projects.
“PNP : To Serve and Protect.. the Discaya Family.”“Pinagtatanggol pa ang magnanakaw KAYSA taong bayan!”
“Mauuna pa makulong yung taumbayan na ninakawan kesa sa totoong kawatan.”“When the rich rob the poor, it is called business. When the poor fight back, it is called violence.”“Mas naunang kasuhan yung mga ninakawan kesa sa magnanakaw!”“Yung mga magnanakaw pa ang nagkaroon ng proteksyon.”
“So sa huli, taumbayan pa may kasalanan?”
“Anong gusto n’yo? Hanggang comment section na lang ang galit ng tao?
“Kasuhan n’yo mga ‘yan, magagaya talaga tayo sa Indonesia.”
“Yung sinasabihan niyong namumundok, sila ngayon ang frontliner.”
“Bilis n’yo kasuhan mga mahirap ah pag mayaman protektado n’yo pa.”
“Go PNP, give us nothing!”
“To protect the ruling crocs ang atake! Malaki siguro bigayan sa inyo.”
“Pag aralan n’yo muna kaso nila bago ang iba!”
“Bagong Pilipinas? Pag kawatan may proteksyon?”
Matatandaang nauna nang iginiit ng abogado ng mga Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III, na magsasampa ang mga ito ng kaukulang criminal case laban sa mga raliyista.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pumalag!' Mga Discaya, kakasuhan organizer ng kilos-protestang sumugod sa St. Gerrard