Nagpahayag ng paghanga ang TV host na si Korina Sanchez-Roxas kamakailan sa ginawang paghingi ng paumanhin ng aktor at Leyte 4th District Representative na si Congressman Richard “Goma” Gomez.
Sa naging pag-uusap kamakailan nina Korina at mga kasama niyang mamamahayag na sina Pinky Webb at Willard Cheng, nabanggit ni Korina si Cong. Gomez kaugnay sa naging paghingi nito ng dispensa sa midya.
“Uso nga ngayon ‘yong ‘foot and mouth disease.’ ‘Yong mga tipong nangyari kay Congressman Richard Gomez but he apologies,” pagbabanggit ni Korina.
Ayon kay Korina, saludo umano siya sa integridad at paninindigang ipinakita ni Cong. Gomez.
“So saludo po kami sa inyo, Congressman Richard Gomez na [inaming] nabigla lang daw siya,” anang TV host.
Dagdag pa niya, “ Well sa akin, that’s integrity for me if you can accept that you made a mistake. Because kapag sinabi mo, kailangan mapanindigan mo at higit sa lahat [ay] mapatunayan mo.”
Sa pagtutuloy naman ni Pinky Webb sa usapin, pinayuhan niya ang congressman na maging maingat sa isasagot sa mga midya sa susunod na pagkakataon.
“Pero next time kasi, kapag humihingi ang midya ng komento sa iyo, e, sagutin niyo lang. Sabi nga, either you say ‘no comment’ or wag mo na lang sagutin,” ani ni Webb.
Sinang-ayunan naman agad ito ni Korina patungkol sa pagpapataw ng maling akusasyon para sa lahat ng nagtatrabaho sa midya ni Goma.
“Correct. Hinihingi lang daw ‘yong panig niya pero ang sabi niya [ay] bayaran daw silang lahat,” anang Korina.
Tinawag naman ni Korina si Goma na “isang tunay na lalaki” matapos niyang humingi ng paumanhin sa publiko kaugnay sa isyung nangyari.
“I think it’s very important na he own that to it at isa siyang tunay na lalaki,” pagtatapos ni Korina.
Matatandaang naging maugong kamakailan ang pangalan ni Cong. Gomez matapos niyang isapubliko ang screenshot ng mga pribadong mensahe mula sa media practitioners patungkol sa paghingi ng panig niya kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.
KAUGNAY NA BALITA: 'Dahil sa socmed post?' Goma, posibleng patawan ng 'ethics complaint'
Makikita sa naturang FB post ni Goma ang mga screenshots mula sa iba’t ibang reporter na nanghihingi ng kaniyang panig patungkol sa isyu ng flood control at alegasyong ibinabato sa kaniya ni Matag-ob Leyte Mayor Bernie Tacoy.
“Mahal din itong media spin na ginagawa nila against me. Look at the similarities of the different socmeds and agencies asking questions. Alam na alam mong merong nagkukumpas. Alam na alam mong ginastusan. Ayus ahhhh. Gastos pa more mga ungas," aniya.
Kinondena naman ng NUJP ang naging kilos na ito ni Gomez at sinabing hinihingi lang ng midya ang kaniyang posisyon.
Hindi na lang sana umano inilabas pati ang mga pribadong impormasyon ng mga mamamahayag na makikita sa screenshots na kaniyang inupload.
“Apart from the allegations that colleagues were paid as part of supposed "media spin", Gomez posted screenshots with media workers' names and numbers, a potential violation of data privacy and an action that puts them at risk of harassment and fraud,” saad ng NUJP.
Dagdag pa nila, “We remind Gomez that media asking for his side on the matter actually favors him. The requests give him a chance to address allegations made by Matag-ob Mayor Bernie Tacoy, who has also criticized him for alleged lack of support during heavy flooding, and making them is part of journalists' jobs.”
Samantala, burado na ang naturang post ni Gomez.
Humingi naman ng paumanhin si Gomz sa miyembro ng mga press ilang araw matapos niyang paratangang gumagawa ng “media spin” ang mga mamamahayag laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Richard Gomez kumambyo, nag-sorry sa mga mamamahayag
Inihayag niya ang kaniyang paumanhin sa isang livestream gamit ang kaniyang Facebook account, sa House of Representatives (HOR) noong Martes, Setyembre 2, 2025.
“Thank you for this opportunity to defend myself and clarify some facts. To the members of the press, who took offense in my social media post, I sincerely apologize,” aniya.
“Sensitive information has been removed. I understand that the media endeavors to get my side of the story. I acknowledge your efforts, I’m sorry, and I could have handled it better,” dagdag pa niya.
Samantala, hindi nakaligtas ang papuri ni Korina patungkol kay Goma sa netizens at idinikit pa rin ang usapin patungkol kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
KAUGNAY NA BALITA: Vico Sotto, sinita mga journalist na umano'y tumatanggap ng bayad sa interview
Matatandaang sinita ni Mayor Vico ang mga journalist na tumatanggap umano ng bayad kapalit ng isang interview partikular kina Korina Sanchez at Julius Babao
"Bago tanggapin ng mga kilalang journalists ang alok para mag-interview ng Contractor na Pumapasok sa Politika, hindi ba nila naisip na, 'Uy teka, ba’t kaya handa ’to magbigay ng 10 million* para lang magpa-interview sa akin??'," saad ni Sotto sa isang Facebook post noong Agosto 21, 2025.
Narito ang ilang mga komento na iniwan ng netizens patungkol sa nasabing pagbibigay-puri ni Korina kay Goma:
“Pinaringgan pang hindi lalaki si Mayor Vico.”
“Defensive man ka Auntie Korina.”
“The face, the aura, the stance and gesture says a lot. Defensive and guilty, so resort to narrative of taking the side of similar case and making it sound like a victim was unfairly treated.”
“Ang daming red flags ni Korina. RIP to her credibility.”
“Defensive amp hahaha kasuhan mo si vico kung di totoo.”
“May pinaparinggan pero mas naniniwala ako Kay mayor.”
“Wala pa lang ebidensya si mayor Vico Sotto kasuhan mo Para maglabasan ng baho.”
KAUGNAY NA BALITA: Nagpasaring pa: Korina nagbiro tungkol sa HK Disneyland, 'My ₱10 Million Palace!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita