Sibak sa trabaho ang inabot ng handler na namataang nanuntok at nangmaltrato sa isang canine dog sa likod ng isang L300 van kamakailan.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Search and Secure Canine Training and Services International Inc., (SAS K9) sa kanilang Facebook noong Huwebes, Setyembre 4, tinanggal na nila sa serbisyo ang isa sa mga miyembro ng kanilang ahensya na naaktuhang nananakit sa alaga nitong service dog.
“Following our internal investigation, SAS K9 has terminated the services of the K9 Handler involved in the September 3, 2025 incident, effective immediately, due to gross negligence and violation of our animal welfare protocols,” paglilinaw ng SAS K9.
Binigyang-diin ng nasabing organisasyon na hindi nila umano pinapayagan ang anumang uri ng pananakit sa hayop na siyang taliwas sa etikal na pamantayan ng pag-aalaga nila sa mga canine na kanilang tinuturuan.
“We remain committed to upholding the highest standards of ethical K9 handling and assure the public and our partners that we have taken firm and appropriate action,” ani ng SAS K9.
Humingi ang SAS K9 ng paumanhin sa publiko na nakapanood at nagalit sa ginawa ng kanilang dating kasamahan.
“We sincerely apologized for the recent inconvenience and frustration the animal advocates have experienced due to the mishandling of the dog by the Security Canine Handler that went viral[...]” anila.
Pagpapatuloy pa nila, napatunayan umano ng SAS K9 na may malinaw na pangmamaltrato sa nagawa ng handler sa canine dog na si Bingo.
“Upon reviewing the situation, we found the root cause to be the dog maltreatment of the Security Canine Handler. This action is unacceptable, and we are taking this matter seriously,” ayon sa nasabing organisasyon.
Ipinahayag din nilang muli silang magsasagawa ng pagsasanay para sa mga security canine handler sa kanilang kompanya upang siguraduhin na hindi na muling mauulit ang nasabing insidente.
“To prevent this from happening again, we are implementing additional retraining for our Security Canine Handler teams and a review of our internal training system processes.
“This incident does not reflect our standards, and we are dedicated to ensuring it does not happen again.,” pagtatapos ng SAS K9 sa kanilang post.
Matatandaang kumalat kamakailan sa social media ang inupload ng FB user na si Nicole Andrea patungkol sa namataan niyang pananakit ng nasabing handler kay Bingo.
KAUGNAY NA BALITA: Panununtok, pangmamaltrato ng handler sa isang K9, naaktuhan on cam!
Pumukaw ng maraming atensyon ang naturang video ni Nicole mula sa netizens at maging sa mga ahensyang nagsusulong na itigil ang animal abuse na ginagawa ng mga tao sa maraming hayop.
Maging ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS), isang organisasyon na masugid na tumutuligsa sa pananakit sa mga hayop, ay nagpahatid ng komento sa video ni Nicole at sinabing tutulungan nila ang uploader para mabigyan ng hustisya ang canine.
Samantala, hindi naman naisapubliko pa ang pagkakakilanlan ng nasibak na handler na siyang nanakit sa aso.
KAUGNAY NA BALITA: SAS K9, naglabas ng pahayag kaugnay sa pananakit sa canine dog; handler, pansamantalang suspendido
Mc Vincent Mirabuna/Balita