Nilinaw ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na hindi raw garantisado na mawawala ang korapsyon kahit isaayos niya proposed budget ng kanilang ahensya.
Sa panayam ng media kay Dizon nitong Biyernes, Setyembre 5, 2025, iginiit niyang hindi raw sa papel nangyayari ang aktwal na korapsyon.
“Ang corruption frame hindi lang 'yan sa budget. Ang corruption hindi nangyayari sa papel. Ang corruption ay nangyayari sa ahensya,” ani Dizon.
Paglilinaw pa niya, sa ibang proseso at mas malinaw raw nangyayari ang malawakang korapsyon sa DPWH.
“Kahit na tanggalin ko lahat ng questionable diyan, it is not guaranteed no corruption. Because corruption happens not on paper, it happens in real life. It happens in the bidding process. It happens when projects are not properly monitored,” anang DPWH secretary.
Kaugnay nito, nauna nang ihayag ni Dizon na posibleng magbago ang proposed budget ng DPWH sa 2026 na sa kasalukuyan ay nagkakahalaga ng ₱881 bilyon.
“Kung completed na ‘yan, hindi na dapat pondohan ‘yan. Kung double entry ‘yan, hindi dapat may double entry ‘yan. So yung mga ganong klaseng bagay po kailangan nating busisiin nang maigi,” saad ni Dizon.
Matatandaang nadiskubre ang umano’y anomalya sa DPWH matapos bakbakan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang mga umano’y nangurap sa flood control project na lalong nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad niya.
MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'